27 Oktubre 2020
Sa listahan ng Facebook pages ng mga pulis na nagpapakalat ng fake news, karamihan dito ay mula sa Bicol. Ang mga page na ito ay kilala sa pagpapalaganap ng maling impormasyon at pangre-redtag. Matatandaang nais ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ibalik ang higit 100 pekeng fb accounts na ipinasara ng Facebook dahil ang mga ito ay bahagi ng sistematikong propaganda sa makakaliwang grupo at maging sa mga kritiko ng gobyerno.
Ayon sa Sharktank*, isang database na tina-track ang mga naka-publikong post sa mga Facebook, kasama sa Top 10 na namamahagi ng mga nagre-redtag ay ang pages ng Ligao City Police Station, 2nd Albay Provincial Mobile Force Company, Camarines Sur 1st Provincial Mobile Force Company, Malinao Municipal Police Station, Guinobatan Municipal Police Station, Virac Municipal Police Station, Tabaco City Police Station, 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company, 1st Bataan Provincial Mobile Force Company, at 2nd Sorsogon Provincial Mobile Force Company.
Matagal nang nagpapahayag ng pagka-alarma ang mga progresibong mga grupo at kritiko sa redtagging. Anila, ang mas nakakatakot higit pa sa pangre-redtag ay ang seryosong panganib na dulot nito. Kasagsagan ng pandemya ay isa-isang hinuli ang mga lider ng mga progresibing grupo sa rehiyon na mga biktima ng redtagging: sina Jen Nagrampa mula sa Bicolana Gabriela, Pastor Dan San Andres ng Karapatan, Nelsy Rodriguez ng BAYAN- Camarines Sur at Ramon Rescovilla ng CONDOR-PISTON Bicol. Patuloy ang panawagan ng katarungan at kalayaan para sa mga nabanggit.
Ang pagpapalaganap ng maling impormasyon ay paglabag mismo sa Philippine National Police social media guidelines at Republic Act No. 6317 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Official and Employees, kung saan pinagbabawal ang huwad, mapanirang-puri, mapanakit, at maseselang post.
Karampatang Ari © 2020 TRIBUNA
Magpadala ng email sa tribunaph@gmail.com
Gumagamit kami ng cookies upang pag-aralan ang trapiko ng website at i-optimize ang iyong karanasan sa website.