TRIBUNA
  • Tribuna
    • Sayaw sa Bubog
    • Buhay at Pasakit
    • Likas na Suliranin
    • American Dream
    • MGA NAKARAANG ISYU
    • Edukasyon sa Gitna ng ...
    • Kailan pa tayo naging ...
    • Magtanim ay di biro
    • Elehiya at Pagkakaisa
    • Pondo Para Kanino?
    • Nang Kumawala Ang Kawalan
    • Kultura
    • Graphics
  • Tungkol sa Amin
  • Mag-subscribe
  • Sumali sa Tribuna
    • Tribuna
    • Editoryal
      • Sayaw sa Bubog
      • Buhay at Pasakit
      • Likas na Suliranin
      • American Dream
    • Mga Nakaraang Isyu
      • MGA NAKARAANG ISYU
    • Opinyon
      • Edukasyon sa Gitna ng ...
      • Kailan pa tayo naging ...
      • Magtanim ay di biro
      • Elehiya at Pagkakaisa
      • Pondo Para Kanino?
      • Nang Kumawala Ang Kawalan
    • Kultura | Graphics
      • Kultura
      • Graphics
    • Tungkol sa Amin
    • Mag-subscribe
    • Sumali sa Tribuna

TRIBUNA

  • Tribuna
  • Tungkol sa Amin
  • Mag-subscribe
  • Sumali sa Tribuna

SAYAW SA BUBOG*


15 Enero 2021


Nag-umpisang umindak ang Committee on Constitutional Amendments (CCA) ng Kamara noong ika-13 ng Enero 2021 sa deklarasyong umuupo na ito bilang Constituent Assembly– ipinapatupad na ang kapangyarihan nito para mag-amyenda at/o mag-rebisa ng kasalukuyang Konstitusyong 1987 ng bansa. 


Gayunman, batay sa pangako at sa sakop ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 2, layon nitong papasukin, palakasin, at palawigin ang saklaw sa ekonomiya ng dayuhang kapital sa pamamagitan ng pagpapagaan sa mga “restriksyon” ng Konstitusyon sa pambansang ekonomiya. 


Walang anumang planong pagbabago sa istrukturang politikal ng Konstitusyon tulad ng pagpapalawig sa termino ng mga politiko, kahit na sa bersyon ng resolusyon nina Senador Bato Dela Rosa at Francis Tolentino, tinatangka nitong baguhin rin ang “demokratikong representasyon” sa Konstitusyon.


Gayunman, hindi dito napapalagay ang ibang seksyon ng mga lehislador. ‘Kakaiba’ ang deskripsyon ni Rep. Edcel Lagman ng Albay dahil simpleng komite at simpleng pagdinig lamang ang dapat ginagawa ng lahat ng komite ng Kongreso– wala itong kapangyarihang plenaryo o umupo para mag-amyenda o magrebisa ng Konstitusyon. ‘Nagmamadali’ ang tingin ni Senate President Vicente Sotto dahil kasalukuyang nasa recess ang Kongreso. ‘Pagnanakaw [sa kapangyarihan ng Senado’ ang tingin naman ni Senador Franklin Drilon dahil ipinupwera ng CCA ang Senado sa mahiwaga nitong deklarasyon.


Ang Constituent Assembly (Con-Ass) ay binubuo ng lahat ng miyembro ng Kongreso upang i-rebisa o amyendahan ang Konstitusyon, batay sa ika-17 Artikulo ng Konstitusyong 1987. Naiiba ang kapangyarihan ng Con-Ass sa Kongreso– ang nahuli ay may kapangyarihang saklaw ng Konstitusyon, habang ang nauna ay hindi. 


Ibig sabihin, kahit pa nangangako ang nagsusulong ng pag-amyenda sa Konstitusyon, sa panahon na umuupo na ang Kongreso bilang Con-Ass, lahat ng bituin ay maaari nitong kunin dahil may sarili itong patakaran at mas may malawak na saklaw.


Tungkol lamang sa substansya ng proseso at laman ng pangakong saklaw ng pag-amendya ang naipaliliwanag. Singhalaga nito ay ang pinaplanong pagbabago– pagpapalakas at pagpapalawig sa pagpapapasok ng dayuhang kapital sa pambansang ekonomiya.


Kung maipapasa ang amyenda, magkakaroon ng kapangyarihan ang Kongreso na pahintulutan ang mga dayuhang negosyante sa maraming bagay: eksploytasyon ng yamang-likas, pag-aari ng mga lupain, pananakop sa lahat ng erya ng investment sa pambansang ekonomiya, pangangasiwa sa pagnenegosyo ng pangangailangang pampubliko, edukasyon, mass media at advertising.


Ipinapatupad ng mungkahing pagbabagong ito ang tinatawag na “neoliberalismong patakaran” na nagsimula noong dekada 70’ matapos ang matinding istagnasyon ng pandaigdigang kalakal– parehong mataas ang inflation at unemployment rates, matapos mag-eksperimento sa Keynesianismo noong dekada 30 resulta ng Great Depression. 


Kailangang huwag makialam ang gobyerno sa negosyo, pagtingin ng mga neoliberal; kung makikialam naman, kailangang nakatutulong ito sa negosyo sa paggawa ng marami pang paglalaanan ng kapital. Totoo ito sa mayorya ng bansa sa daigdig.


Gayunman, may partikular itong anyo sa mahihirap na bansa, tulad ng Pilipinas. Dahil walang kakayanan ang pambansang ekonomya na magpalago ng sariling domestikong kapital, tulad ng mga bansa sa Amerika, Europa, at Gitnang Asya, naging kultura na ng polisiyang pang-ekonomiko sa bansa na maramihang magpasok ng dayuhang kapital. 


Isa ito sa mga itinuturo ng neoliberalismo, halimbawa ang Washington Consensus noong maagang bahagi ng dekada 90, na inilalako sa mga mahihirap na bansa. Kasama sa mga nagpatupad nito ang Tsina, mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations, at iba pa. 


Ibig sabihin, mula dekada 70, nasa panahon na ang bansa ng neoliberalismo. Ngunit, nagpapatuloy ang higit nitong pagkumpleto sa bansa sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Konstitusyon. Higit itong ikinatutuwa ng mga neoliberal sa bansa, tinuturing nila itong pangmatagalang solusyon para sa dinaranas na krisis sa ekonomya.


Gayunman, binabangga ang mga neoliberal na pagtingin ng mga makabayang ekonomista hinggil sa pagpapaunlad ng pambansang ekonomiya. 


“Proteksyon” hindi “restriksyon” ang tawag ng mga makabayang ekonomista sa nais na amyenda sa Konstitusyon. Nananatiling matapat sa kasaysayan ang nagsusulong nito sa akademya, lehislasyon, negosyo, at lansangan. Upang makapagbuo ang pambansang ekonomiya ng sarili nitong kapital, kailangan nitong magawa ang modernong anyo ng kapitalismo– malakihan at malawakang produksyon mula sa paggawa ng makina, bakal, pagkain, damit at iba pang kagamitan at pangangailangan. Salimbayan nito ang pamamahagi ng lupa at modernisasyon sa agrikultura.


Isinulong ito magmula dekada 30 nina Senador Claro Mayo Recto, Jose Laurel, Sen. Jose Diokno, Alejandro Lichauco, at iba pa. Makasaysayan ang tunggalian sa pagpapaunlad ng pambansang ekonomiya, gayundin ang panahon nang muling pagtindi nito sa panahon ng krisis sa ekonomiya na pinabilis ng pandemya, krisis ng pandaigdigang kalakal, laganap na proteksyunismo sa mayayamang bansa at nalalapit na pambansang eleksyon.


Kailangang obserbahan ng bayan ang mahahalagang araw na ito. #


*pasintabi sa The Jerks


I-SHARE SA FACEBOOK

MAGBALIK SA HOMEPAGE

TRIBUNA

Sorsogon, Sorsogon, Bicol, Philippines

0915 826 7135

Karampatang Ari © 2020 TRIBUNA


Magpadala ng email sa tribunaph@gmail.com

Gumagamit ng cookies ang website na ito.

Gumagamit kami ng cookies upang pag-aralan ang trapiko ng website at i-optimize ang iyong karanasan sa website. 

Tanggapin