J. Villaruel
11 Setyembre 2020
Noong nakaraang linggo, ika-4 ng Setyembre, ganap na sinimulan ang pagdinig para sa panukalang pambansang pondo sa 2021. Unang salang pa lamang sa Kongreso, umani na agad ito ng batikos mula sa mga makabayang kongresista.
Napakahalaga na silipin ng mamamayan kung saan inilalaan ng gobyerno ang perang kanilang ibinigay sa pamamagitan ng pagbubuwis.
Higit sa pagiging numero, ang panukalang pondo na ito ay repleksyon ng prayoridad ng administrasyon—kung ano nga ba para sa kanila ang mas dapat pagtuunan ng pansin.
Ang kapakanan ba ng maliliit na mamamayan, o ang kita ng mga nakaupo sa poder at kanilang mga kompadreng negosyante?
Sa darating na taon, lubhang krusyal ang gagampanan ng pambansang pondo para sa pagharap sa pandaigdigang pandemya at pagbabangon ng ekonomiya mula sa pandaigdigang resesyon.
Sa ibinabandera ng gobyernong tatlong muhon ng panukalang pondo na “Reset, Rebound and Recover”, nanunuot ang kriminal na pagtalikod nito sa responsibilidad na dapat kagyat—higit pa sa pagtugon sa COVID-19 ay ang pagbabangon ng ekonomiya ng bansa hindi lamang sa pangkalahatan kundi may partikularidad sa ordinaryong mamamayang lubos na naapektuhan.
Hindi maikukubli ng pinakamalaking alokasyon para sa edukasyon, ang pagtalikod ng gobyerno sa hinaing ng taumbayan para sa ligtas na balik-eskwela. Ang 754.4 bilyong piso na nakalaan ay paghahati-hatian pa ng pampublikong paaralan, pamantasan at kolehiyo ng bayan.
Anupa’t ang malaking bahagi nito ay mapupunta sa TESDA na dakilang tagapagsuplay ng murang lakas-paggawa sa loob, at pangunahin, sa labas ng bansa. Bagay na hindi naman nagsusulong ng sustenable at nagsasariling pambansang industriyalisasyon na krusyal na ekonomikal na pagbangon.
Pumapangalawa ang Department of Public Works and Highways sa may mga pinakamalalaking alokasyon. Di nakakagulat dahil ang lahat ng ito ay para pondohan ang Build! Build! Build! sa ngalan ng pagtatayo ng mga imprastrakturang pagkakakitaan ng malalaking dayuhang korporasyon.
Nakakaalarma na nasa laylayan lamang ng prayoridad ng panukang pondo ang mga ahensya at kagawaran katulad ng Department of Social Welfare and Developent at Department of Agriculture na pinaka-kailangan para tustusan at pakainin ang mahigit 18 milyon pamilyang naghihikahos at nagbabadya pang madagdagan ng 1.5 milyong pamilya Pilipino dulot ng resesyon.
Batay sa pahayag ng mga tagapagsulong ng panukalang pondo, kakambyo ang prayoridad ng gobyerno tungo sa pagsugpo sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Gayunman, naghuhumiyaw ang mga numero na malinaw na prayoridad pa rin ng administrasyon ang agapan ang lumalakas na pagtuligsa ng mamamayan kay Pangulong Rodrigo Duterte at mga tagasunod nitong nasa posisyon.
Kung susumahin ang pondo para sa balangkas ng proyekto ng gobyernong sugpuin ang paglaban ng mamamayan—pondo ng Department of National Defense, pondo para sa intelligence, at iba pang kaunay nito—ito ay limang beses na mas mataas kaysa sa kabuuang pondo para sa kalusugan.
Kulang na kulang na nga pondo para sa kalusugan, nagsumiksik pa ang PhilHealth sa kabuuang pondo ng Departent of Health. Nasa 71 bilyong piso ng 203 bilyong pisong pondo ng DOH ay mapupunta sa PhilHealth. Ibig sabihin, mahigit sangkatlo ng ponding pangkalusugan ay nakalaan para sa institusyong batbat at pugad ng korupsyon.
Sa patuloy na pagtabo ng utang gobyerno ng Pilipinas sa iba’t ibang malalaking bangkong internasyunal para tustusan ang natalakay na pondo, tiyak na ang mamamayang Pilipino ang papasan ng pambayad sa mga ito.
Karahasan imbes na kalusugan at kabuhayan ng mamamayan ang prayoridad ng administrasyon. Maluwag din ang puwang para sa tiyak na korupsyon ang ipinamamayani ng nasabing panukalang pondo.
Sa ganitong pagsasalansan ng pambansang pondo para sa 2021, walang kapasidad at layunin ang administrasyon na pakinggan at resolbahin ang panawagan ng mamamayan para sa lehitimong bagong normal; ang kahirapan at numero ang ilan sa napakaraming patunay.
Karampatang Ari © 2020 TRIBUNA
Magpadala ng email sa tribunaph@gmail.com
Gumagamit kami ng cookies upang pag-aralan ang trapiko ng website at i-optimize ang iyong karanasan sa website.