TRIBUNA
  • Tribuna
    • Sayaw sa Bubog
    • Buhay at Pasakit
    • Likas na Suliranin
    • American Dream
    • MGA NAKARAANG ISYU
    • Edukasyon sa Gitna ng ...
    • Kailan pa tayo naging ...
    • Magtanim ay di biro
    • Elehiya at Pagkakaisa
    • Pondo Para Kanino?
    • Nang Kumawala Ang Kawalan
    • Kultura
    • Graphics
  • Tungkol sa Amin
  • Mag-subscribe
  • Sumali sa Tribuna
    • Tribuna
    • Editoryal
      • Sayaw sa Bubog
      • Buhay at Pasakit
      • Likas na Suliranin
      • American Dream
    • Mga Nakaraang Isyu
      • MGA NAKARAANG ISYU
    • Opinyon
      • Edukasyon sa Gitna ng ...
      • Kailan pa tayo naging ...
      • Magtanim ay di biro
      • Elehiya at Pagkakaisa
      • Pondo Para Kanino?
      • Nang Kumawala Ang Kawalan
    • Kultura | Graphics
      • Kultura
      • Graphics
    • Tungkol sa Amin
    • Mag-subscribe
    • Sumali sa Tribuna

TRIBUNA

  • Tribuna
  • Tungkol sa Amin
  • Mag-subscribe
  • Sumali sa Tribuna

PINAPAGINDAPAT

Nobela ni Victoria Garcia


Kung paano aalahanin ang namayapa, kung paano magluluksa sa pagkamatay ng isang tinitingalang hari ng probinsya. Ano ang hustisya para sa nakahawak sa leeg ng hustisya?

Pili lang ang pinapagindapat na makarating sa buhay na walang hanggan.   

MGA KABANATA

Unang Bahagi

I

II

III

IV

V

VI

VII

VIII

IX

X

XI

XII

XIII


Ikalawang Bahagi

XIV

XV

Unang Kabanata

"Putangina!"

Tinakpan ni Krisanto ang kaniyang bibig matapos makitang gutay-gutay ang katawan ni Gobernador Abrantes. Nakatali ang dalawang kamay, durog ang mga daliri sa paa, at nakadikit ang nangingitim na mukha sa malaking tae ng kalabaw. Hindi pa alam ni Krisanto na si Gobernador Abrantes ang bangkay, bago pa niya mamukhaan ang bangkay, inunahan na siya ng kaniyang mga paa para lumayo. Lumingon-lingon siya sa paligid para humingi ng saklolo, para may mapagtanungan kung nagmamalik-mata lang ba siya o talagang mayroong bangkay sa gitna ng kaniyang palayan. 


Hindi pa umaamoy ang bangkay, pero parang hinahabol si Krisanto ng sangsang habang tumatakbo siyang nakatakip pa ang kaliwang kamay sa bibig. Naduwal siya, pero hindi siya tumigil sa pagtakbo. Gusto niyang sumigaw pero suka ang lumabas sa kaniyang bibig. Nang makita niya ang kaniyang asawa na palabas ng kaniyang bahay, nagulat si Elsa sa namumutlang mukha ng kaniyang asawa. "O, anong nangyari sa 'yo at parang nakakita ka ng asawang." Tumigil si Krisanto sa tabi ng asawa at lumabas sa kaniyang bibig ang rumaragasang suka.


"May patay sa palayan," ang sabi nito, "lalaki, matanda na." Namutla bigla ang kaniyang asawa, "Tarantado." umiling si Krisanto kay Elsa, "Mayroon. Nasa gitna ng palayan, nakatali ang kamay." Nalaman agad ng mga kapitbahay ang nakita ni Krisanto, may kuwento- kuwento na hindi talaga niya nakita ang bangkay, na siya mismo ang pumatay. Matagal na kasi nilang hindi nababayaran ang palayan, pati ang mga binhi na inutang ay hindi pa nababayaran. Dahil sunod-sunod ang naging pagbagyo, wala sila halos nasaka liban sa ilang kaban na pang-araw-araw. Hindi agad nalaman ng mga pulis na ang bangkay ay si Gobernador Abrantes, dahil kahit saang angulo tingnan ang bangkay, hindi nito kamukha ang gobernador. Nang tingnang mabuti ng mga imbestigador ang bangkay, napansin nilang wala na itong balat sa likod, tinanggal itong buo. Hindi nakita sa buong palayan kung nasaan ang balat. Nanginig sa takot ang mga  tao ng Balatan, kung hindi ligtas ang isang politiko sa kanilang lugar, paano pa kaya sila.


Nakilala ang bangkay nang makita nilang may nakapasak na papel sa bibig nito: Ako ay lubos-lubos na nagpapasalamat sa kamatayan. Ako ay yumaman dahil pinili kong maging salot ng lipunan. Isa itong babala, huwag akong tutularan. – Gobernador Francisco Abrantes.


Sa maliliit na kubol may mga matatandang nagkukuwentuhan tungkol bangkay na nakita sa palayan ni Krisanto. Nabanggit nila na imposibleng si Krisanto ang pumatay dahil hindi naman siya sa gobernador nagkakautang, wala siyang rason para magalit sa politiko, at hindi magalitin na tao si Krisanto, kung magkakaroon ng paligsahan para sa pinaka-kalmadong tao sa kanilang lugar, isa si Krisanto sa mga pagpipilian. Ang hindi nila maintindihan ay kung bakit sa kanilang lugar pinatay o iniwan ang bangkay, bilang isa sa mga dulong bahagi ng Camarines Sur, hindi napupunta ang mga malalaking politiko sa kanilang lugar.


Nang dumating ang balita sa hasyenda Abrantes, narinig ang iyak ng mga kamag-anak ng gobernador. Narinig sa buong Camarines Sur ang palahaw ng paghihiganti. Pagluluksa ang headline ng mga diyaryo ng probinsya, umabot sa bawat sulok ng Camarines Sur ang balita tungkol sa karumaldumal na kamatayan ng pinakamamahal nilang gobernador. Kabi-kabila ang kuwento tungkol sa gobernador, marami ang umiiwas na ihayag ang personal na buhay ng politiko, pero may iilan na sinubukang sisirin ang pinakatatagong sikreto ng gobernador. Pero kahit na anong ingay ng mga maliliit na tagapagpahayag, hindi rin naman sila nababasa ng marami. Hindi rin sila pinapaniwalaan. Nagluluksa ang buong Camarines Sur sa pagpanaw ng gobernador, ang sabi ng isang news caster sa telebisyon, maaaring mabisita ng publiko ang gobernador sa Katedral.


Hindi naubos ang pila sa labas ng simbahan, lahat ng tao ay gustong maki-luksa sa pagpanaw ng gobernador. Ang ilan sa kanila ay umaasa, na kahit sa huling pagkakataon ay mabibigyan sila ng kahit kaunting biyaya mula sa pamilya ng namayapa. Ang gobernador at ang kaniyang pamilya pa naman ay kilala bilang bukas palad na nagbibigay sa mga tao.


Pagkaraan ng isang linggo, ang bawat barangay ay inatasan na patugtugin ang isang audio recording ng pagbibigay pabuya sa kahit sinong makapagbibigay liwanag kung sino ang salarin sa pagpaslang kay Gobernador Abrantes. Natatapos ang audio recording sa pagbabanta sa pumaslang na hinding hindi mauubos ang pasensya ng pamilya Abrantes na usigin ang lahat ng posibleng may sala. Mamamatay ang mamamatay at babanggain ang kahit sino. 


Nagkaroon ng pagtitipon ang militar para tingnan ang posibilidad na mga miyembro ng New People’s Army ang may salarin sa kamatayan ng gobernador. Naglabas ng anunsyo ang 9th Infantry Division na ang pumatay sa gobernador ay mga miyembro ng NPA. Mariin namang pinabulaanan ito ng opisyal na pahayan na Ang Bayan; kabulaanan, ika nila, ang pagdidikit ng militar sa NPA bilang may sala sa pagkamatay ng gobernador. 


Marami ang nagpresenta bilang saksi sa nangyari, pero wala sa kanila ang nakatira sa Balatan o makapagbibigay ng pruweba na nandoon sila sa lugar na pinangyarihan. Ang mga taga-Balatan naman, ay nananatiling nasa estado ng pagkabalisa. Dahil mas lalong dumami ang tao sa kanilang lugar, umaali-aligid rin ang midya at pakiramdam nila ay hindi na magiging tahimik ang kanilang lugar.


Ang nakikita ng mga imbestigador na pinaka-malapit sa pagiging witness ay si Krisanto. Pagkatapos ng napakatagal na pagluluksa para sa gobernador, nailibing siya matapos ang dalawang buwan, pinatawag agad ng mga Abrantes si Krisanto para personal na maka-usap. Sinundo ang magsasaka ng isang malaki’t mahabang sasakyan, “Tay, ang kintab naman ng sundo mo, puwede akong sumama?” ang banggit ng kaniyang anak sa kaniya. Hindi umimik si Krisanto, kinakabahan siya dahil hindi niya alam kung anong mangyayari sa kaniya. Hindi naman na bago sa kaniya ang mga balita tungkol sa mga taong sinusundo ng ganitong sasakyan at hindi na nakakauwi sa kanilang pamilya. 


“Dito ka lang, samahan mo ang nanay mo. Babalik rin ako.” sagot niya sa kaniyang anak habang umaakyat sa sasakyan. Kumukulog ang kaniyang tiyan, may mga maliliit na kuryenteng tumutusok sa kaniyang mga bituka habang nakatingin sa bintana at nakatitig sa dinadaanan na tabing kalsada. Umuuliglig sa kaniyang tenga ang paulit-ulit na anunsyon ng paghahanap ng hustisya ng mga Abrantes. Nang mapansin ng drayber na parang hindi mapakali si Krisanto, pinaalalahan niya ang magsasaka na hindi ito dapat mangamba dahil mababait ang mga Abrantes, nagkuwento na ito tungkol sa mga karanasan niya bilang drayber nila ng humigit kumulang sampung taon. Hindi pa raw siya nakakita ng kahit anong kasamaan sa pamilyang Abrantes. Pero sa likod ng isip ni Krisanto, iba ang naririnig niyang mga kuwento tungkol sa mga Abrantes at dito siya mas lalong hindi mapakali.


Hindi makapaniwala si Krisanto nang marating nila ang bukana ng hacienda Abrantes, sa harap nito ay may kulay pilak na trangkahan. Kusa itong bumukas nang may pindutin ang drayber sa tabi ng kaniyang upuan. Pagtigil ng sasakyan, ipinagbukas ng isang katulong ang pintuan ng sasakyan. Pagbaba ni Krisanto ng sasakyan, naamoy niya agad ang samyo ng sampaguita, na nakapalibot sa buong bahay. Nanginig ang kaniyang tuhod, pero nagawa niyang maglakad nang ituro ng katulong kung saan siya dapat pumunta.


Umakyat sila ng drayber sa opisina ng matandang Abrantes. Siya daw, ayon na rin sa nalalaman ni Krisanto, ang nagpapatag ng daan sa buong Camarines Sur noong siya pa ang gobernador. Naalala pa ni Krisanto na mahirap ang pagpunta sa mga bayan-bayan dahil hindi pa sementado ang daan, napakarami ring mga burol na dadaanan. Pero dahil sa bisyon ng matandang Abrantes, naitawid niya ang pagpatag sa buong probinsya. Noong bata pa nga daw itong matandang Abrantes, siya ang tinatawag na “Umuusbong na Agila ng Bikolandia”, dahil parang agilang lumilipad sa buong Bikol ang kaniyang mga proyekto.


Mga litratong nakasabit sa dingding ang unang napansin ni Krisanto. Sunod niyang nakita ang matandang Abrantes na naka-upo at hawak-hawak ang kahoy niyang baston. Tinanggal ni Krisanto ang kaniyang sumbrero bilang pagbibigay galang. “Maupo kayo, mga anak.” Ang sabi ng matandang Abrantes, nailipat ang tingin ni Krisanto sa mga litrato, nagtagpo ang mata nila ng matandang Abrantes. Napansin ni Krisanto na parang walang emosyon ang mukha ng matanda, bagsak na rin ang balat nito sa mukha. “Kung kailan matanda na ako, tsaka pa nangyari ito.” pagtutuloy ng matandang Abrantes.

 

“Ginawa ko ang lahat para sa ikabubuti ng probinsya. Walang isang desisyon na hindi ko inisip ang kapakanan ng buong probinsya.” Huminga ang matanda ng malalim. “Napakasakit na mawalan ng anak. May anak ka ba?” nakatingin ang matanda kay Krisanto, tumango ang magsasaka. “Isa pong lalaki.” ang sagot niya. 


“Paprangkahin na kita. Kailangang may managot sa pagkamatay ng anak ko. Hindi maaaring walang lumabas na may kasalanan. Ikaw lang ang nakikita ng lahat na pupwedeng pumatay sa anak ko. Pero naniniwala akong hindi ikaw iyon.” Bumaba na ang tono ng boses ng gobernador, hindi na rin siya parang bumubulong katulad kanina. “Babayaran ka namin ng limang daang libo para akuin ang pagkamatay ng anak ko.” Pagbanggit ng matanda kung magkano ang ibibigay nila para lang akuin ang isang bagay na hindi niya ginawa, naalala ni Krisanto ang mga binhi na inutang niya at ang nasayang na ani dahil sa bagyo. Naisip niya rin ang kaniyang anak, malaking pera ang limang daang libo, sa isip-isip niya. Pero naisip niya ang sasabihin ng kaniyang asawa kung sakaling sabihin niya na siya ang pumatay sa gobernador. Paniguradong hindi na siya kikilalanin ng kaniyang asawa.


Napansin ng matanda ang pagkatulala ni Krisanto. “Hindi mo kailangang magdesisyon ngayon.” ang sabi ng matanda, “Ito, anak.” Inaabot ng matanda ang isang makapal na sobre. “Regalo ito mula sa amin, tanggapin mo bilang tulong.”


“Bakit ako?” tanong ni Krisanto.


“Gawin na lang nating simple, ikaw ang nakakita at ikaw ang pumatay. Para matahimik na ang pamilya ko.” sagot ng matanda, “Pag-isipan mo ang sinabi ko sa ‘yo.”


Sumenyas na ang matanda, tinapik ng drayber ang likod ni Krisanto. Lumabas sila ng kuwarto, hawak ni Krisanto ang makapal na sobre. Hindi niya iyon binuksan hanggang makauwi siya ng bahay.


Nang buksan ni Krisanto ang sobre, sampung libong piso ang bilang niya sa lahat ng laman nito. Agad niyang inilagay ang pera sa ilalim ng kanilang papag, sa loob ng lagayan ng bigas. Tulog na ang kaniyang mag-ina nang dumating siya. Inihiga niya ang kaniyang sarili para pagmunihan ang naging pag-uusap nila ng matandang Abrantes. Kung ano man ang mangyari sa mga susunod na araw bahala na, ang sabi ni Krisanto sa sarili bago tuluyang pitikin ng antok. 


#

MANATILING UPDATED
Mag-koMento

Ikalawang Kabanata

Malaki ang kasalanan ng taong ito...

                              ang sabi ni Emilio sa sarili habang tinitingnan ang bangkay sa harap niya, namumuo ang galit sa bawat pasa, bulong pa niya. Tiningnan lang siya ng mga kasamahan niyang pulis habang sinusuri niya ang bawat bahagi ng bangkay.


Pinag-uusapan na nila ang malaking sugat sa likod ng bangkay. Tinanggal ang balat sa likod, ang banggit ng kasama niyang pulis, malinis ang pagkakahiwa sa balat ng bangkay, parang papel sa matalas na gunting.


Napansin ni Emilio na mayroong bakas ng tatu sa dulo ng balat malapit sa bahagi kung saan ito hiniwa. Kulay itim at kulay kahel. Hindi pa nila ginagalaw ang bangkay para makita ng buo ang mukha nito. Hinahayaan lang nilang nakadapa ang bangkay habang hindi pa sinasabi ng kanilang commanding officer kung anong dapat na gawin.


Naglalakad-lakad ang mga kasamahang pulis ni Emilio para maghanap ng mga ebidensiya sa paligid. Pinatawag nila ang unang nakakita ng bangkay, isang magsasakang naggagalang Krisanto, para mahingan ng salaysay:


Maaga akong nagigising sa amin, alas-tres pa lang ng madaling araw nag-iinit na ako ng tubig para makapagkape. Mas maganda kasing magsimula sa pagsasaka kasabay ng pagsikat ng araw dahil hindi pa mainit. Hindi rin ako nakakatulog ng maayos at madalas na nagigising sa mga alanganing oras. Kaninang umaga, hindi nakasama ang panganay kong anak sa akin. Dahil napuyat daw siya sa pag-aaral sa harap ng gasera kagabi. Kaya hinayaan ko siya na matulog. Naglakad na ako papunta sa palayan, sisimulan ko sana ngayong araw ang irigasyon para sa pagsisimula ng pagtatanim. Akala ko, may malaking bato lang sa gitna ng palayan, hindi ko agad pinansin pero nang maaninagan ko na mayroong buhok sa ibaba ng bato, kinabahan na ako. Alam ko na agad na hindi iyon bato. Nang lapitan ko, bangkay pala ng tao. Hindi na ako nakapag-isip ng gagawin, tumakbo na ako palayo. Naduwal-duwal pa nga ako habang tumatakbo. Nang makita ko ang asawa ko, sinabi ko agad sa kaniya ang nakita ko. Hindi agad siya naniwala, akala siguro niya na nagloloko na naman ako. Pagkatapos, nagkagulo na ang lahat. Dumating na ang mga barangay at kayo na mga pulis.


Nagpaalam ang mga pulis kung maaari nilang inspeksyunin ang tinitirhan ng magsasaka. Pumayag ang magsasaka, baka gusto niyo ring magkape, ang alok niya. Naiwan si Emilio na tinitingnan ang bangkay. Papatapos na ang bukang liwayway, dumarating na ang mga magsasaka para tingnan ang kanilang tanim. Bakit kaya sila nandito, ang tanong ng isa, may bangkay raw na nakita, sagot naman ng isa pa. Mayroong kurdon ang paligid, hindi lumalapit ang mga tao pero tinatanaw nila ang mga nangyayari. Bulong-bulungan na sa kanila ang bangkay, 


Tirik na tirik na ang araw, amoy na sa paligid ang tuyong lupa. Habang isinusulat ni Emilio ang mga napapansin niya sa bangkay, binibigyan niya ng halaga ang marka ng tato sa likod nito. Dahil mahirap makilala ang identidad ng bangkay na namamaga at nangingitim ang mukha, isa sa mga salik na dapat tingnan ay ang mga maliliit na marka sa katawan katulad ng nunal, balat, sugat, at marka ng permanteng tinta. Napansin ni Emilio na mayroong sugat ang dalawang sakong ng bangkay, walang nakitang tsinelas o sapatos sa lugar, maputik rin ang mga paa nito. Imposibleng tumakbo ito, hinuha ni Emilio.


Malinis ang lugar, ang sabi ng kasama niyang pulis. Siguro, iniwan na lang siya dito ng hating gabi, habang tulog ang mga tao. May ilan-ilang poste ng ilaw malapit sa kalsada, pero malayo iyon sa palayan, humigit-kumulang isang kilometro. Sinusubukang buuin ni Emilio ang mga pangyayari. Sa tabi ng palayan ay may ilog, basa ang damit ng bangkay hindi sa tubig kung hindi sa dugo.


Pagkatapos kunan ng litrato ang bangkay, ipinag-utos ng commanding officer na pupwede na itong galawin. Tumigas na ang katawan ng bangkay, naka-kuyom na ang katawan nito nang subukan nila itong itayo. “May papel sa bibig.” Ang sabi ng isang pulis. Nang mapansin ito ni Emilio, maingat niyang sinubukan na buksan ang bibig ng bangkay para hindi mapunit ang nakalawit na papel sa bibig nito: Ako ay lubos-lubos na nagpapasalamat sa kamatayan. Ako ay yumaman dahil pinili kong maging salot ng lipunan. Isa itong babala, huwag akong tutularan. – Gobernador Francisco Abrantes.


Tinatawagan nila ang bahay ng mga Abrantes sa Pili para ibalita ang hinihinala nilang bangkay ni Gobernador Abrantes. Kinumpirma ng tauhan na sumagot sa telepono na umalis ang Gobernador ng alas-singko ng hapon at hindi pa ito umuuwi.  Naki-usap si Emilio kung pupwede nilang makausap ang kahit sinong kapamilya ng gobernador. Ilang segundong patlang ang hinihintay ni Emilio bago kunin ng asawa ng gobernador ang telepono. “Hello, Ma’am, may nakita po kasing bangkay dito sa Balatan. Ang nakalagay po sa nakuha naming papel, si Gobernador Abrantes daw po ito. Maari po ba namin kayong maimbitahan para matukoy kung si Gov. nga ito?


Naramdaman ni Emilio, kahit nasa pagitan sila ng telepono ang malalim na paghinga ng kaniyang kausap. Binaba nito ang telepono nang hindi sumasagot. Hindi na ulit tumawag si Emilio. 


May isang batang mamahayag mula sa Pahayagang Tiempo ang sinubukang lumapit sa pinangyarihan ng krimen. Nagpakilala siya bilang Santiago Malanyaon. “Mayroon na po ba tayong impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng bangkay?” tanong niya. Nakatingin si Emilio sa hawak na recorder ni Santiago.


“Hintayin mo na lang ang opisyal na resulta ng imbestigasyon namin.” ang sabi ni Emilio, kilala na niya ang mga katulad ni Santiago, lumilingkis ito para makakuha ng kuwento. Panigurado, sa isip-isip ni Emilio, na lalabas sa isang maliit na pahayagan ang kahit anong sabihin niya sa mamamahayag na ito.


“Mayroon na po bang pagkakakilanlan ang bangkay?” pagtutuloy ni Santiago. Hindi na sumagot ang pulis sa tanong, “Kung mangyari lang na lumabas ka na muna sa kurdon” ang sagot ni Emilio, hinawakan nito ang balikat ng mamamahayag at itinulak ito palayo, “Teka nga, mayroon ka bang ID para mag-usyoso dito?” ang dagdag na tanong ng pulis. Umiling ang mamahayag. Dumating ang mga kasamahan ni Emilio, hindi pa umaalis ang mamahayag. “Malinis yung bahay ng magsasaka,” ang sabi ng isa, “puro damit at gamit pangsaka lang ang nandoon.”


Nilubayan ng mamamahayag ang mga pulis, nakipag-usap ito sa mga taong bayan. Nang dumating ang karo na kukuha sa bangkay. Nagkumpulan ang mga tao sa paligid ng karo na kukuha sa bangkay. Dahil may kaputian ang bangkay, inisip nilang mayaman ito at makapangyarihan. Tumatango-tango naman ang mga nakikipagkuwentuhan. Nakita ni Emilio na matagal-tagal ang naging pag-uusap ng mamamahayag kasama ng mga kapwa niya umuusyoso. Hiniling ng mga pulis na lumayo muna ang mga tao. Tinakpan nila ng kumot ang bangkay, bakat sa hugis nito ang nakakurba nitong katawan.


Nakasunod lang sa ambulansya ang mobile ng mga pulis. Dumiretso na ulit sa sakahan ang mga magsasaka. Para namang santelmo na nawala si Santiago Malanyaon. Naiwan sa sakahan ang kasamahang pulis ni Emilio. Ang commanding officer niya ang nagmamaneho ng sasakyan. “Huwag kang maingay kahit kanino. Masikretong pamilya ang mga Abrantes.” Ang babala ng kaniyang commanding officer, “Hindi mo gugustuhin ang galit nila, lalo na ang matanda.” Hindi nagsalita si Emilio, pinakinggan niya lang ang wangwang ng kaharap nilang ambulansya.


Isang malaking sasakyan ang nakaparada sa harap ng nag-iisang funeral sa Balatan, nang dumating ang bangkay, kausap na ng asawa ng gobernador ang may-ari ng funeral. Malakas ang kutob ni Mrs. Abrantes na patay na ang kaniyang asawa. “Hello, Ma’am, ako po ‘yung tumawag sa inyo sa telepono.” Ang sabi ni Emilio, “Ipinasok na po sa likod ang bangkay. Pupwede niyo na pong tingnan kung si Gov. po iyon.” Nakita ni Emilio ang pagpipigil ng hikbi ni Mrs. Abrantes, nang maglakad ang ginang, naiwan na nagkukuwentuhan ang commanding officer at ang nagpakilalang may-ari ng funeral parlor.


Tatlo silang magkakasama sa loob ng maliit na kuwarto, ang embalsamador, si Emilio at si Mrs. Abrantes. Tinanggal ni Emilio ang nakatalukbong na kumot sa bangkay. Nang lumapit ang ginang, hinawakan nito ang mukha ng bangkay. Dinama ng kaniyang mga daliri ang bawat bahagi ng mukha nito mula sa buhok, pababa sa ilong, hanggang sa nangingitim nitong mga labi.


“Ano bang nangyari sa ‘yo, Cisco.” ang mahinang bulong ni Mrs. Abrantes, “Para ka nilang tinanggalan ng mukha.” Lalapit sana si Emilio para bigyan ng panyo ang ginang pero natigilan siya nang biglang halikan ni Mrs. Abrantes ang labi ng bangkay. Tatlong segundong pagdampi ng labi ng buhay at patay, alam na alam agad ni Mrs. Abrantes na ito ang kaniyang asawa. Inabot ni Emilio ang panyo, nagpunas ang ginang ng luha. “Mayroong tato sa likod ang bangkay.” Tumango lang si Emilio, hindi niya alam kung pahayag o tanong ang sinabi ng unang ginang. Si Mrs. Abrantes ang nagbalik ng kumot sa harap ng bangkay, “Maraming salamat sa pag-aasikaso sa asawa ko.” Ang sabi niya sa embalsamador. Tahimik na sinabayan ni Emilio ang ginang pabalik sa harapan ng funeral parlor. Hindi na nagsalita ang ginang, naglakad na ulit pabalik sa kaniyang sasakyan.


“Wala munang dapat makaalam ng mga ito.” Bungad ng kaniyang commanding officer. Gusto pa sanang tanungin ni Emilio ang dahilan pero naalala niya ang binanggit ng kaniyang commanding officer habang bumibiyahe sila. Bumalik silang dalawa sa presinto, tikom ang kanilang mga bibig sa nangyari.


                                                                                ***


Parang eleksyon ang mga sumunod na araw sa Balatan, mayroon mga nagbabahay-bahay para mamigay ng sobre na naglalaman ng tatlong daan. Mas marami pang darating, ang sabi ng isa sa mga nagbabahay-bahay, kung tatahimik ang lahat tungkol sa mga nangyari. Hiniling ng mga Abrantes sa mga pahayagan na huwag agad ilabas ang balita tungkol sa pagkamatay ng gobernador.


Lalabas sa Tiempo ang balita pagkatapos ng dalawang araw ng mangyari ang insidente. Napukaw ng napakalaking headline ang mata ng mga taong dumaraan sa isang maliit na estante ng diyaryo sa Iriga, “GOBERNADOR ABRANTES, NATAGPUANG PATAY.”


Kinundena ng mga pahayagan sa Bikol ang inilathala ng Tiempo. Sinabi ng mga ito na nagpapalakat ng maling impormasyon ang pahayagan. Mayroon ring mga pahayagan na nagbalita tungkol sa mga ginawa ng gobernador nang magkakasunod na araw.


Isang linggo lang ang nagdaan, nagbigay ng pahayag si Mrs. Abrantes sa telebisyon. Kinumprima niya ang pagpanaw ng Gobernador. Humingi rin si Mrs. Abrantes ng hustisya para sa kamatayan ng kaniyang asawa. Naging mabilis ang telecast, wala pang limang minuto. Nagbago bigla ang naratibo ng mga pahayagan, sinusugan nila ang paghingi ng hustisya ng mga Abrantes. Nagluksa ang buong Camarines Sur. Katulad ng kamatayan ni Ninoy, ang banggit ng isang propesor sa Ateneo de Naga, habang pinapanood sa telebisyon ang balita tungkol sa mahabang pila ng mga tao sa Katedral.


Nang hapon kung kailan i-anunsyo ni Mrs. Abrantes na patay na ang gobernador, mayroong tumawag sa commanding officer ni Emilio, nagtatanong ito kung sino ang nagbigay ng impormasyon sa isang mamahayag na nangangalang Santiago Malanyaon na nagsusulat para sa Tiempo. Pinatawag si Emilio, naalala niya ang mamahayag na lumapit sa kaniya noong imbestigasyon. “Nagalit ang pamilya ng gobernador. Pakiramdam nila ay nabastos sila. Ayusin mo ito, Emilio. Hanapin mo ‘yang Santiago na ‘yan.”


#

manatiling updated
mag-komento

Ikatlong Kabanata

“Hindi nabubuo ang politiko sa isang hapunan,”

                              ang sabi ng matandang Abrantes habang ipinagdiriwang nila ang pagkapanalo ng kanyang anak sa pagka-gobernador ng Camarines Sur. Ito rin ang eksaktong sinabi niya sa harap ng pulpito, habang binabasa ang elohiya para sa kanyang anak.

“Mahaba ang kasaysayan ng mga Abrantes sa Camarines Sur, nagsimula ito kay Adagulfo Abrantes, ang matatawag na una sa mahabang listahan ng mga dakilang politiko ng ating probinsya.” 


Nakikinig ang lahat habang nagsasalita ang matandang Abrantes. Walang ingay maliban sa static mula sa malalaking speaker sa magkabilang gilid ng pulpito. Sa gitna ng altar nakalagay ang gintong kabaong ng namayapang Francisco Abrantes. Napapaligiran ito ng mga puting bulaklak na nanggaling sa maraming impluwensyal na tao.


“Siya ay nag-aral sa Espanya ng abugasya at naging bahagi ng La Solidaridad bilang manunulat,” pagpapatuloy ng matandang Abrantes, “...siya rin ay bahagi ng Ambos Camarines sa Kongresong Malolos at isa sa kilalang miyembro ng Philippine Assembly para sa kanyang matalas na kakayahan sa pakikipag-debate.”

“Si Adagulfo Abrantes ang naglagay ng buong Bikol sa usapin ng sentro. Naging senador siya sa ilalim ni Jose P. Laurel kung saan isa siya sa mga naging tiyak na boses sa mga ginagawang pagdesisyon ng presidente lalo na sa pakikipag-usap sa mga opisyal na Hapon. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, inusig si Adagulfo Abrantes bilang collaborator.

Hindi na niya nailaban ang kanyang kaso dahil namatay siya sa sakit na tubercolosis. Inilibing siya sa Sementeryo Norte. Nasunog naman ang karamihan sa kanyang mga sulatin na naka-imbak sa tinitirhan niya sa Tondo. Hindi na siya nakabalik sa Camarines Sur kung saan niya iniwan ang kanyang asawa na si Gelacia Abrantes at dalawa nilang anak, isang babae at isang lalaki. 


Namatay sa cholera ang babae bago pa ito tumuntong ng limang taon. Ang anak naman na lalaki, bilang pagsunod sa yapak ng ama, ay naging alkalde ng Pili, Camarines Sur mula 1944 hanggang 1946. Tumakbo pa sa ibang posisyon si Bernador Abrantes, naging kahalili niya kalaunan ang kanyang anak na si Sinfroso Abrantes. Ako iyon...”


Umubo ang matandang Abrantes, inabutan siya ng naka-boteng tubig. Makikita sa buka ng kanyang bibig ang pasasalamat, uminom siya nang kaunti at nagpatuloy sa pagkukuwento.

Gagamitin ko na ang pagkakataon na batiin ang mga kawani ng Departamento ng Edukasyon, na naglaan ng kanilang oras para makiramay sa aming pamilya. Nandito rin ang ating mga Mayor, maraming salamat sa inyong pagpunta. Nandito rin ang pamilya Suquico, na naging kabalikat ko mula pa noon. Pasensya na kayo at hindi ko na mababati ang lahat. Malabo na ang mata ko at hindi ko na nakikita iyong mga nasa likod. Kahit na ganoon, ipinapaabot ko sa inyo ang pasasalamat sa paglalaan ninyo ng oras para samahan ang aming pamilya sa trahedyang ito.


Ilang patlang na katahimikan ang dumaan, nakabukas ang mga tenga ng nakikinig, may ilan-ilang nagpapahid ng kanilang luha. "Nang mamatay si Papang, ako ang pumalit sa kaniya bilang tagapangalaga ng probinsya. Sino pa ba ang mayroong kakayahan kung hindi ako," pagpapatuloy ng matandang Abrantes. 


"Nakita ko ang pangangailangan ng probinsya sa edukasyon. Nangangailangan rin ang probinsya ng mga ospital na magbibigay ng atensyon sa mga pangangailangan ng mamamayan. Ibinigay ko itong lahat, pati ang pagsesemento ng daan sa lahat ng munisipalidad sa Camarines Sur ay nagawa at natapos sa unang sampung taon ko sa puwesto. Inilawan natin ang bawat bahay na sinasakupan ng probinsya, wala tayong iniwan na kahit isang pamamahay na kumakain sa dilim tuwing gabi. 


Si Francisco ang dapat na magpapatuloy ng mga nasimulan ko, siya dapat ang haharap at magdadala sa probinsya sa panibagong pangangailangan ng panahon. Tapos na ang pagsesemento ng daan, ngayon ang panahon para gamitin natin ang mga ito sa pag-unlad. Pero tingnan mo ang ginawa nila sa anak ko, namamaga ang mukha, nangingitim ang bawat bahagi ng katawan, at tinanggalan ng balat sa likod. Parang hayop nilang pinaslang ang nag-iisa kong anak. Buti na lang at nandito ang isa sa pinakamagaling na embalsamador sa buong probinsya."


Nagsipalakpalak ang lahat ng nakikinig. Tumigil ang matandang Abrantes sa pagsasalita, makikita ang apo niyang si Joe na umaakyat papalapit sa pulpito. Tinapik-tapik nito ang balikat ng kanyang lolo. Namimilog naman ang lente ng mga kamera habang sinusundan ang mga susunod na mangyayari. Makikitang bumubulong si Joe sa kanyang Lolo. Inabutan nito ng panyo ang matanda, pagkatapos ay bumaba na ulit para umupo. Nagpatuloy sa pagsasalita ang matandang Abrantes.


"Walang kapatawaran ang pagpatay nila kay Francisco, ipinapangako ko, sa harap ng bangkay ng anak ko, na hindi maaaring walang managot sa nangyari. Natutulog ang buwan, at hindi ko patutulugin ang may kasalanan.


Mabait na anak si Francisco, mapagmahal na asawa, at mapagkalingang ama. Nakita ko kung paano siyang maging isang tunay na politiko. Marami siyang gustong gawin sa Camarines Sur, marami siyang plano para sa pag-unlad. Kung sino man ang may kasalanan sa pagpaslang sa anak ko, ikaw ang kaaway ng probinsya. Nasa iyong mga kamay ang dugo ng libu-libong umaasa na aasenso ang kanilang buhay. Matanda na ako, mahina na ang kasukasuan ko para ituloy ang nasimulan ko. 


Ikaw, Joe, nasa tamang gulang ka na. Alam kong gugustuhin rin ni Franciso na ikaw ang sumunod sa kanyang yapak, katulad ng pagsunod niya sa akin at kay Tatang Adagulfo. Apo, alam ko na handa ka na, halika nga rito." Muling umakyat papunta sa pulpito ang kanyang apo. Ang matandang Abrantes naman ang tumapik sa balikat ng apo. 


"Nakikita niyo itong apo kong ito, namatay man ang kanyang ama, ngunit ipagpapatuloy niya ang lahat. Ipagpapatuloy niya ang mga nasimulan namin. Hindi kailangang matakot ng ating mga kababayan. Mananatili ang mga Abrantes, mananatiling umuunlad ang ating probinsya. Marami ang maninira sa pangalan ng mga Abrantes, napaslang nila si Francisco pero ito ang pakatandaan ng mga kritiko at kalaban namin sa politika: Kailangan ninyo kaming patayin lahat para mapigilan niyo ang pag-unlad!"


Nagsipalakpakan ang mga tao nang tapusin ng matandang Abrantes ang kanyang elohiya sa pagbibigay ng pangako na mananatili ang pag-unlad. Sabay na bumaba ang matandang Abrantes at ang apo niyang si Joe. Sunud-sunod ang pakikipagkamay ng mga tao sa kanilang dalawa, para silang nangangampanya. "Tandaan mo ang pakiramdam na ito, Joe," ang sabi ng matanda, "...palagi mo itong mararamdaman."


Nang matapos ang kuwentuhan at maghahating gabi na, nagpa-una na ang matandang Abrantes na kailangan na niyang umuwi para makapagpahinga. Naiintindihan siya ng mga nakikipaglamay, hindi naging madali para sa kanila ang biglaang pagkawala ng gobernador.


Pagpasok na pagpasok ng matandang Abrantes sa loob ng kanyang sasakayan, minura niya ang putanginang Doktor Bongkol na matagal nang kalaban ng kanyang pamilya sa politika. "Anong karapatan ng gago na iyon na pumunta sa lamay ng anak ko," ang bulyaw ng matandang Abrantes, "...hindi ba niya natatandaan ang pagbabantang ginawa niya sa amin, baka nakakalimutan niya na isa siya sa mga papaimbestigahan ko sa pagkamatay ni Francisco. 


Tangina niya! Hindi ako nakakalimot sa mga sinabi niya nang minsan kaming magkasagutan sa estasyon ng pulis dahil sa pangingialam niya sa mga gawaing pamprobinsya. Sinabi niya pa na darating din ang panahon ng mga Abrantes. Nananadya ang putanginang doktor kwak-kwak na iyan! Paiimbestigahan ko ‘yang tarantado na ‘yan. Tingnan mo lang!"


Nagmaneho na ang drayber ng matandang Abrantes pabalik ng hacienda. Pinapakinggan niya lang ang mga galit na salitang lumalabas sa bibig ng matanda. 'Lalamig din ng ulo nito mamaya kapag nalamigan ang batok,' ang sabi ng drayber sa sarili. Tinaasan niya pa ng kaunti ang lamig sa loob ng sasakyan. Pagsilip ng drayber sa matanda, mahimbing na ang tulog nito.


                                                                                         ***


Hindi pinapatay ang ilaw sa loob ng katedral, hindi napuputol ang pila ng mga gustong masilayan ang mga labi ng namayapang gobernador. Magkasing dami lang ang tao na dumadalo sa pista ng Penafrancia sa dami ng tao na dumadalaw sa lamay. Isinasara lang ang pinto ng katedral ala-una hanggang alas-kuwatro ng madaling araw para bigyan ng oras ang embalsamador na ayusin ang bangkay.


Pagod na pagod na ang embalsamador sa pangangalaga ng katawan ni Francisco Abrantes, kailangang manatili ang tamang kulay ng balat, hindi dapat magmukhang patay at hindi dapat sobra ang kapal ng inilalagay niyang make-up. Tumitigas ang laman kapag nasobrahan sa formalin, kailangan niya rin panatilihing nasa tamang hulma ang mga pisngi nito. Kahit na siya ang pinakamagaling na embalsamador sa buong Bikol, nanginginig pa rin ang kamay niya kapag inaayos niya ang bangkay. 


Takot ang nararamdaman niya habang hawak ang eneksyon, panginginig galing sa hinuha ng mga pupwedeng mangyari kapag nagkamali siya ng kaunti: uumbok masyado ang pisngi, hindi magiging pantay ang hulma ng mukha, mapapansin nila ang nangingitim na balat sa ilalim ng hindi gaano kakapalang make-up. Tinitingnan lang siya ng mga rebulto ng santo, na imbes na patnubayan siya ay hinihintay siyang magkamali. 


Hihinga siya nang maluwag kapag nakapasok na ang formalin sa bangkay at nahugot na niya ang karayom palabas sa balat nito. Bago buksan ulit ang pintuan ng katedral, susuklayin niya muna ang buhok, lalagyan ng kaunting pomada, at tatanggalin ang maliliit na gusot sa suot nito na barong tagalog.


#

manatiling updated
mag-komento

Ikaapat na Kabanata

Hindi alam ni Emilio kung ano ang una niyang gagawin...

                              para mahanap ang mamamahayag. Pakiramdam niya ay lumawag ang kalsada, ang eskinita, at humaba ang pagdaan ng mga bus sa kaniyang harap. Nasaan ang ulo ng mamamahayag, ang bulong niya sa sarili habang sunusuyod ang bawat nakaupo sa sinasakyan niyang bus.


Ang unang hakbang niya ay puntahan ang opisina ng pahayang Tiempo para itanong kung saan niya pupwedeng mahanap ang mamamahayag. Suntok sa kawalan, alam niya, dahil sa panahon ngayon alam niyang sensitibo ang mga impormasyong ganoon.


Nakasibilyan siya, hindi niya suot ang makintab niyang sapatos o ang mabigat niyang sinturon. Pero dala niya ang kaniyang GLOCK 9MM, nakasuksok ito sa kaniyang tagiliran. Bago lumabas ng presinto, sinigurado niyang may lamang bala ang baril, tatlong bala na ilang buwan na niyang hindi ginagalaw.


Nang makaupo siya sa pinakadulong upuan ng bus, itinaas niya ang katabing bintana. Baka sakali, sa mga dadaanang bayan, mahagip ng kaniyang mata ang mukha ng mamamahayag. Santiago Malanyaon, paulit-ulit niyang banggit sa sarili, namumula ang mukha ng mamamayahag na humuhugis ng singkuwenta sa darts. Nauligan ni Emilio ang pamilyar na boses sa tumutugtog na radyo sa loob ng bus: 


Newsflash! Sunud-sunod ang naitalang pagpatay sa iba’t ibang bahagi ng Camarines Sur. Pare-parehong itinumba ng riding-in-tandem, walang nakasaksi, at sa ulo lahat ng tama. Nakaka-gimbal ito, partner, ngayon lang ito nangyari sa probinsya. Karumaldumal ang nangyayaring ito, totoo nga na nasa dulong panahon na tayo.


Tumulala si Emilio, pinagninilayan ang mga susunod na mangyayari. Pagkatapos niyang tanungin kung nasaan, kailangan niyang puntahan, tapikin ang balikat, humingi ng pasensya, hayaang tumakbo, tsaka niyang itututok ang GLOCK 9MM sa ulo ng mamamahayag. Bang!


Bumaba siya ng jeep, kinapa niya ang cellphone sa kaniyang bulsa. Binasa ulit ang address ng pahayagan. Hindi opisina ang nakita niya, isang maliit na bahay, may babaeng nagpapasuso ng bata sa bukana. 


“Ale, tama po ba na dito ang Tiempo?” Magalang na tanong ng pulis. Tinapiktapik ng babae ang binti ng sanggol na kalong-kalong niya habang tatango-tango sa tanong ni Emilio. Binuksan ng babae ang kahoy na gate papasok ng bahay. 


“Sa itaas nag-oopisina ang Tiempo,” ang sabi nito bago niya ibaling ang atensyon sa pinapasuso niyang bata.


Tinanggal ni Emilio ang suot niyang sandals bago pumasok sa bahay. Nangungusap sa kaniya ang tunog ng maganit na keyboard, paisa-isang letra ang katumbas ng kaniyang mga hakbang. Kumatok siya sa pinto, bumukas ito nang kaunti.

 

Nakita niyang may tatlong lalaki sa loob, ang isa ay nakataas ang paa sa isang bangko habang nagbabasa, ang pangalawa naman ay nakaharap sa malaking makina ng risograph at ang pangatlong lalaki sa kuwarto ay abalang naka-harap sa turtleback na computer monitor at pumipitik-pitik ng letra sa maingay nitong keyboard. 


“Mawalang galang na po”, bati ni Emilio, “ito po ba ang Tiempo?” Natigilan ang tatlo sa kanilang mga ginagawa, tumutok ang kaniyang tingin sa matang lumulutang sa maliit na siwang ng pinto.


“Pasok ka, boss,” sabi ng isa sa kanila. “Gusto mo bang magsulat para sa amin?” direktang tanong ng lalaking nagbabasa. Umiling si Emilio, “may itatanong lang sana ako sa inyo, mga boss. Tungkol kay Santiago Malanyaon. Interesado kasi ako sa isinusulat niya para sa inyo.”


Naramdaman ni Emilio ang pag-init ng paligid, napansin niya agad ang umuugang stand ng electric fan. “Hindi siya personal na pumupunta dito sa opisina,” panimula ng lalaking nasa harap ng riso, “pinapadala niya lang sa email ang mga artikulong isinusulat niya. Matagal na ‘yang nagsusulat sa amin, pero isang beses lang namin siyang nakita. Mabait na bata.”


“Alam niyo ba kung paano ko siya makakausap nang personal?” walang kabang tanong ni Emilio.

“Ipapaabot na lang namin sa kaniya ang gusto mong mangyari. Pakisuyo ngang isulat mo sa papel ang pangalan at kontak mo.”


Hindi kuntento si Emilio sa pagsusulat ng papel, kung pupwede lang niyang hugutan ang baril, itutok sa tatlong mokong na nagpapahirap pa sa kaniyang trabaho, ginawa niya agad. Pero kinuha niya ang bolpen para isulat ang kaniyang pangalan.


“Maraming salamat,” sabi ni Emilio habang inaabot ang papel at bolpen, “sana makarinig ako ng balita mula sa kaniya. Marami akong tanong sa kaniya.”


“Sasagot iyan, matagal nang nagtatanong iyon kung mayroon bang komukontak sa amin para magtanong tungkol sa kaniyang sinusulat,” ang sagot ng isang lalaki, “maging maingat ka. Maraming sikreto ang manunulat na iyan.”


Hindi alam ni Emilio kung ano ang ibig sabihin ng lalaki sa dami ng sikreto ng mamamahayag. Pero lumabas siyang mayroong kahit kaunting pag-asa na makikita niya rin ang mamamahayag. Pagbaba niya ng hagdan, nakabukas ang telebisyon.


Pinaghihinalaan ngayon na ang dahilan ng mga pagpaslang sa probinsya ay ang misteryosong pagkamatay ni Gobernador Abrantes. Simula nang mailibing ang gobernador, nagsimula na ang sunud-sunod na balita ng pamamaslang. Hindi pumayag ang pamilya Abrantes na magbigay ng tugon sa pagdadawit ng kanilang pangalan sa kasalukuyang nangyayari. Kasalukuyan pa rin silang nagluluksa.


Wala na ang babaeng nagpapasuso ng bata sa harap ng bahay, nakabukas na rin ang kahoy na gate. Naglakad na si Emilio papunta sa highway, babalik na ulit siya sa istasyon para hintayin ang tugon ng mamamahayag. 


Hinihiling na lang niya na sana, hindi nito malaman na isa siyang pulis. Sigurado siyang hindi tutugon ang mamamahayag. Unang hakbang, ang sabi niya sa sarili, palaging magsisimula sa unang hakbang.


Ibinabalita pa rin sa radyo ng bus ang detalye tungkol sa mga pamamaslang. Bawat istasyon ng radyo at channel ng telebisyon ay abalang-abala sa pagpunta sa iba’t ibang dako ng probinsya para mangalap ng kuwento tungkol sa mga pinatay. Sino kaya sa kanila ang unang makakakita ng pagkakatulad, ng pagkakaiba, ng mga bakit, at mga para saan. 


Pinapakinggan lang ni Emilio ang balita, sa isip niya, marami namang bagay na ibinabalita ngayon na matagal nang nangyayari. Isa na namang malaking palabas, ang bulong niya sa sarili, at tuwang-tuwa naman tayo dahil mayroong nangyayari.


Nawala na ang pangkaraniwan para sa pamilya Abrantes. Ang hakbang pagkatapos ng libing ni Francisco ay paghahanap ng hustisya. Tinanong ng naulilang asawa ni Francisco ang matandang Abrantes kung paano nila sisingilin ang may kasalanan na hindi nila alam kung sino. Marahas ang naging tugon ng matandang Abrantes, bulag rin ang hustisyang darating sa lahat.


Nang gabi matapos ang libing ng gobernador, nagkaroon ng malaking pulong sa bahay ng mga Abrantes. Binuksan ng pamilya Abrantes ang kanilang tahanan para sa mga taong handang tumulong sa kanilang pamilya na hanapin ang hustisya.


Ang matandang Abrantes ang nanguna sa pagpupulong. Iisa lang ang kaniyang naging hiling, “dapat na maging mapanghas kayo, huwag kayong matatakot. Nasa likod n’yo ako, may basbas ko ang bawat pagputok ninyo ng baril. Babayaran ko ang bawat bungong mababaunan niyo ng tingga.”


Pumasok ang mga katulong sa malaking dining hall dala ang isang daang pahina ng mga pangalan. Bawat isang tao sa loob ng dining hall ay binigyan ng kopya. 


“Nandito ang lahat ng pangalan ng mga taong natapakan, naagrabyado, nagsalita laban sa amin, at mga taong sa tingin ng mga kinausap ko na maaaring pumatay kay Francisco. Sa tabi ng pangalan ay may address, kumpirmado na ang lahat ng pangalan ay nasa tamang address. Mayroon ring petsa, inilagay namin iyan para maging gabay ninyo kung kailan niyo sila pupuntahan.


Kapag natapos n’yo na, padalhan niyo ng mensahe ang numerong nakalagay sa pinaka-itaas ng bahagi ng unang pahina. Makakatanggap kayo ng konpirmasyon kung naipasok na sa banko ninyo ang bayad. Makipag-ugnayan na lang kayo sa kahit sinong assistant dito sa dining hall para masiguradong nailista ang inyong pangalan at bank account number. Maraming salamat.”


“Natatandaan mo ba ang magsasaka na unang nakakita kay Francisco, maaari mo ba siyang kontakin?” ang sabi ng matandang Abrantes sa kaniyang apo, “mahalaga ang magiging papel niya sa mga plano natin. Madali natin siyang mapapapayag. Ang taong nasanay sa ilaw ng gasera, mas madaling nasisilaw ng pera.”


Kinabukasan, pinadala ng matandang Abrantes ang pinaka-malaki nilang sasakyan para sunduin si Krisanto sa Balatan. Ibinilin nito sa drayber na ingatan ang magsasaka, dapat hindi ito matakot na sumama. Tumango-tango ang drayber.


Naghintay ang matandang Abrantes sa loob ng kaniyang opisina, nakabukas ang radyo habang hinihintay niyang magsimula ang kaniyang mga pinaplano. Mahigpit ang hawak niya sa kaniyang baston, sinasabayan ng kaniyang hintuturo ang pagdaan ng mga segundo. 


#

manatiling updated
mag-komento

Ikalimang Kabanata

Pakiramdam palagi ni Santiago Malanyaon, hinahabol siya ng mga anino...

                              Matapang siyang magsulat ng balita, pero takot siya sa mga taong pakiramdam niya’y sinusundan siya. 


Ilan na sa mga nakilala niya sa mga pulong ng Journalists' Union of the Philippines ang dinakip o pinaslang ng mga hindi kilalang indibidwal. Alam niya na kailangan niyang magsulat, makisangkot sa mga nangyayari. Iilan na nga lang silang nagsusulat tungkol sa panganib, at saka hindi niya matalikuran ang kapangyarihan ng salita.


Pagkatapos niyang kausapin ang mga taga-Balatan, binisita niya ang mga kamag-anak niya sa Bato na nakatira malapit sa lawa. Nang mapansin siya ng mga batang naglalakad, kumaway ito sa kaniya. Mga anak ng kaniyang kamag-anak. Humawak ang maliliit na bata sa kaniyang suot na pantalon.


Hinawakan ni Santiago ang kaniyang bulsa, sa isip niya ay baka malaglag ang notebook na sinulatan niya ng mga detalye tungkol sa mga isusulat niyang balita. Nandoon pa rin ang notebook, makukulit na hinaharot ng mga bata ang kaniyang pantalon. Nang makita niya ang kaniyang kapatid, kinawayan niya ito.


Naging mahaba ang pag-uusap nilang dalawa. Makikibalita rin si Santiago sa kaniyang kapatid tungkol sa mga nangyayari sa kanilang lugar. Makuwento ang kaniyang kapatid, mula sa mga taong nagadan hanggang sa maliliit na tsismis tungkol sa mga kagawad ng kanilang baranggay. 


Natatawa-tawa na lang si Santiago habang pinapakinggan ang mga bagay na sa pakikipag-usap lang sa mga karaniwang tao niya naririnig. Ikinuwento niya ang mga nasaksihan niya sa Balatan, ang karumaldumal na pagkamatay ni Gobernador Abrantes. 


Nagulat ang kaniyang kapatid, sumasabog sa kaniyang mukha ang pagkagulat nang marinig niya ang balita. “Hindi rin ako makapaniwala, kinumpirma ng mga magsasaka sa Balatan na si Gobernador Abrantes nga ang bangkay.”


“Mag-iingat ka, Tiyago,” ang sabi ng kaniyang kapatid, “papasok ka sa bundok Isarog nang walang kasama.”


Ilang taon niya ring kinukumbinsi ang sarili na kailangan niyang magpatuloy sa pagsusulat. Naging bahagi niya ang probinsya sa pagdaan ng mga taon, hindi niya na lang namalayan na nawala na ang mga pangamba. 


Nagsusulat siya dahil gusto niyang kilalanin ang kaniyang probinsya, ang mga bagay na bumubuo sa masalimuot na estado ng kaniyang banwaan. Sinimulan niya sa pagsusulat tungkol sa kultura, ang pinaka-unang artikulong nabuo niya ay tungkol sa takip ng tapayan ng Camarines Norte, na pinag-aralan ni Zeus Salazar. Idinugtong niya itosa epikong Ibalon at sa pangkalahatang pag-iimahe ng Timog Silangang Asya. 


Ang pangalawa naman ay ang industriya ng paggawa ng espadang Minasbad sa Iriga. Ang pangatlo ay pagawaan ng produktong ratan sa iba’t ibang bayan ng Camarines Sur.


Hanggang sa magbalita siya tungkol sa iringan ng mga politiko sa Camarines Sur, ang naging away ni Gobernador Abrantes at ng mayor ng Pili nang minsang magkagitgitan sila ng sasakyan sa Maharlika highway. 


Isa si Santiago sa mga nakakita kung paanong tumama sa mukha ni Gobernador Abrantes ang mabilis na kamao ng mayor ng Pili. Nakilala niya ang taga-Tiempo sa estasyon ng pulis kung saan nangyari ang suntukan. 


“Parang bata itong mga gagong ito,” bulong niya sa kaniyang katabi, “hindi na nahiya na nasa posisyon sila.” 


Sumang-ayon ang katabi niya at nagpakilalang patnugot ng Tiempo, isang maliit na palimbagan sa Sorsogon. “Ang layo naman ng narating mo,” ang banggit ni Santiago, “tapos itong mga payaso na ito pa ang papanoorin mo.”


 Tatawa-tawa naman ang kaniyang katabi,  “ganoon talaga,” aniya, “kung nasaan ang balita dapat nandoon tayo.”


Ang nangyaring suntukan sa pagitan ng gobernador at mayor ng Pili ang pinakauna niyang artikulo sa Tiempo. Pakiramdam ni Santiago nang maimprenta ang kaniyang artikulo sa kulay abong papel, nahanap niya na ang lugar kung saan dapat siya lumagi.


Binalaan siya ng mga taga-Tiempo na mainit na ang pangalan ng kaniyang palimbagan sa mata ng mga binabalita nila. Nakatatanggap sila ng mga text na nagbibigay babala na may mapapaslang sa kanila, pero walang nangyayari. 


“Balita na naman kung may mamamatay sa amin,” pagbibiro nila, “mas mabuti nga at may nagbabalita, para hindi tayo nagtataka kapag may kawalangyaang mangyari.”


Tinapik ng kaniyang kapatid ang kaniyang balikat, “natulala ka na naman,” ang sabi nito kay Santiago, “ganiyan ka kapag mayroong bumabagabag sa ‘yo. Kung gusto mo, dito ka na muna matulog.”


Umiling si Santiago, hangga’t maaari ay hindi siya puwedeng manatili sa mga bahay ng mga kamag-anak. Mas maingay ang yabag ng paa sa pamilyar na mga lugar at para sa katulad niyang may takot sa mga aninong sumusunod sa kaniya sa paglalakad, isang malalim na patibong ang suhestyon ng kaniyang kapatid.


Natutulog na rin ang gabi nang magpaalam si Santiago sa kaniyang kapatid. Nanatiling bukas ang ilaw ng bahay hanggang sa lamunin na siya ng huni ng mga kuliglig. Umupo si Santiago sa gilid ng lawa. 


Sumasabay sa pagsayaw ng mga alitaptap ang baga mula sa kaniyang sigarilyo. Ano na bang susunod, ang sabi niya sa sarili. Hinugot niya ang de-keypad niyang telepono at nagpadala ng mensahe sa mga nasa Tiempo. 


“Magiging magulo ang mga susunod na mangyayari,” ang pambungat niya sa text, “natagpuang patay si Gobernador Abrantes sa Balatan. Wala pang lead kung sinong may gawa.” 


Pinadala niya agad nang hindi binabasa kung tama ba ang pagkakabuo niya sa pangungusap. Ibinulsa niya ang kaniyang telepono at nag-isip-isip kung saan siya ngayon pupunta.


Kinabukasan, isang email mula kay Santiago Malanyaon ang natanggap ng Tiempo. Naglalaman ito ng isang maikling artikulo tungkol sa mga nakuha niyang detalye sa Balatan. “Hindi pa lumalabas sa kahit saan ang balita tungkol dito, mukhang may media blackout tungkol sa mga nangyari.”


Sa hinuha niya, maaaring ipinag-utos ng mga Abrantes na huwag ilabas ang balita. Maaari rin na nagkusa ang mga tagapagbalita na huwag ibalita ang mga nangyari dahil sa takot na pag-initan sila ng mga Abrantes. 


Ano man sa dalawa, isang pagkakataon ito sa Tiempo na itayo ang kanilang pangalan. Pero bago nila ipa-imprenta ang artikulong ito, pinagnilayan muna ng Tiempo kung itutulad nila ang papalabas na isyu sa diyaryo. 


Sa pamamagitan nila, ayon sa isa sa kanila, masisigurado natin na makatatanggap tayo ng positibong tugon sa pangyayari at hindi magkaroon ng malaking sigalot sa pagitan ng mga nag-aagawang naratibo.


Isa sa mga lugar kung saan nila napiling ilabas ang kanilang espesyal na isyu ay sa Iriga. Hindi lahat ng nagbebenta ng dyaryo ay bibigyan ng pagkakataong ilabas ang isyu, naisip nilang ibabagsak nila ang lahat ng kopya ng espesyal na isyu sa ilang piling lugar. 


Ang isa sa mga napili nilang pagbagsakan nito ay ang nagbebenta ng dyaryo sa harap ng LCC, sa tabi ng Mercury. Ang may-ari nito ang isa sa pinakaunang sumuporta sa kanilang dyaryo at bilang pagtugon sa utang na loob ay minarapat nilang tatlo na sa kaniya ibagsak ang kalakhan ng mga kopya.


Katulad ng nakakahawang sakit, kumalat ang balitang nilalaman ng espesyal na isyu. Nagkaroon ng pagtataka ang mga taong nakakuha ng kopya kung bakit ang Tiempo lang ang nakapagbalita nito. Nagkaroon rin ng akusasyon na fake news ang balita at isang anyo lang ng paninira sa mga Abrantes. 


Binansagan nilang tabloid ang Tiempo at naglalabas ng balita para kumita ng pera. Maliit ang alab ng balita sa mga unang oras nang mailagay ito sa mga estante sa Iriga. Pero doon naman nagsisimula ang mga dambulang apoy. Nang makarating ang balita sa mga taong nakita ang katotohanan ng balita, hindi na napigil ang pagpapalitang kuro ng mga tao.


Nagbago ang karawaniwang katahimikan na lumulukob sa Camarines Sur, nasa pagitan ng pagluluksa at kawalang pag-asa ang diwa ng mga taong sinusuri ang bawat palitan nila ng salita. Magigising si Santiago Malanyaon sa CBD Plaza Hotel, pumipintig ang kaniyang mga binti matapos niyang lakarin mula Bato hanggang Naga. 


Karaniwan na niya itong ginagawa dahil mas marami siyang nakukuhang balita habang naglalakad kaysa sa paghihintay ng tawag mula sa kung sinong informant. Pinaglalaanan niya rin ng oras ang paglalakad, dahil para kay Santiago, ito ay ang malilit na mga oras na nagbibigay espasyo para buuin niya ang mga pangungusap ng isusulat niyang balita.


Ilang oras muna siyang nakahiga sa kama bago niya hilahin ang sarili para mag-almusal. Kalbaryo ang pagpunta niya sa loob ng estasyon ng bus para kumain kasama ng mga biyaherong paalis at pabalik sa Camarines Sur. 


Inaalala ni Santiago, habang hinihigop ang mainit na sabaw ng mami, ang sinabi ng kaniyang kapatid. Marami ang mangyayari sa mga susunod na araw, ang sabi niya sa sarili. Naramdaman niya ulit ang mga aninong nakatayo sa kaniyang likuran. Pero itinuloy niya lang ang pagdama ng init ng sabaw sa kaniyang bibig. 


#

manatiling updated
mag-komento

Ika-6 na Kabanata

Nang maalala ni Santiago Malanyaon

                              ang magsasakang nakausap niya sa Balatan, nakaramdam siya nang malalang pag-aalala. Ang pinaka-iingatan niya ay huwag agad bumalik sa mga lugar na ginawan niya ng balita, dumidikit sa isip niya ang naratibo ng mga ibinabalita niya, lalo na ang mga karumaldumal na mga bagay na miminsang nagbibigay sa kaniya ng bangungot sa gabi.


Pero pinapangibabawan siya ng pag-aalala sa nangyayari sa magsasaka. Usap-usapan na ng lahat ng tao ang nangyayaring pamamaslang sa iba’t ibang lugar sa Camarines Sur. Hindi ang kuwento na maaaring pinaslang na ang magsasaka ang gusto niyang malaman. Ang gusto niyang usisain ay kung kumusta ang magsasaka, lalo na’t ang isa sa maaaring humarap sa kaniya ay ang mga Abrantes.


Bago sumakay ng tricycle papuntang Balatan, nagmeryenda muna si Santiago Malanyaon sa palengke ng Nabua, sa harap ng Diner Centro, habang pinapanood ang mga dumadaang bus. Marami sa mga lugar sa Camarines Sur, sa isip-isip ni Santiago, ang dinadaanan lang. Ang nakikilala lang naman ng mga tao sa Bikol ay iyong may mga estasyon ng bus: Naga, Legazpi, Sorsogon. Kung papasok siya sa simbahan, kabisado na niya ang pasikut-sikot sa Holy Cross Parish, dahil nakapagsulat na siya ng artikulo tungkol sa kasaysayan ng simbahan at ng banwaan. Pero may ginhawang ibinibigay ang mga simbahan na hindi niya maipaliwanag, nararamdaman niya rin ito sa Parish of Our Lady of Peace and Good Voyage ng Guijalo.


Sumaglit si Santiago para magdasal sa loob ng simbahan, nasa harap niya si Inang Katipanan. Kung may lugar kung saan nawawala ang mga anino sa kaniyang likod, ito ay kapag nakaluhod siya’t nananalangin. Walang hanggang paghingi ng patnubay ang palagi niyang hinihiling.


Paglabas niya ng simbahan, may isang lalaking tumakbo bilang sa kaniyang likod. Ihahakbang na sana ni Santiago ang kaniyang paa pero napansin niyang nawawala ang pitaka niya sa likod ng bulsa. Paglingon niya’y inaabot ng isang matandang lalaki ang kaniyang pitaka, nakangiti ito. “Naiwan mo Noy doon sa upuan, ang sabi niya, buti at naabutan kita.” 


Hindi pitaka ang una niyang napansin kundi ang nakasukbit na itak sa tagiliran ng lalaki. Tiningnan niyang mabuti ang hugis ng mukhang nakaukit sa hawakan nito. Napansin ng matanda ang mga mata ni Santiago, iniabot niya ulit ang pitaka. “Salamat padi,” ang sabi ni Santiago, “hindi ko rin napansin na nawala pala.” Napatingin ulit si Santiago sa itak ng matanda. “Ano iyang itak mo ‘Tay,” ang tanong ni Santiago, “ano pong tawag d’yan?”


“Minasbad,” banggit ng matanda, “sinaunang itak ito... pantapat ng mga ninuno natin sa kris. Ako ang gumawa nito, gawa sa sungay ng baka ang hawakan.” Inabot ng matanda ang itak kay Santiago. “Ano po itong naka-ukit na ito?” tanong ni Santiago. “Ang sabi nila, aso, sabi naman ng iba paniki. Pero para sa akin, nilalang iyan na kinatatakutan ng mga ninuno natin noon. Kaya nila inilagay sa sundang.”


 “Kung sakali po ba, puwede ko kayong bisitahin?” ang sabi ni Santiago, “nagsusulat po kasi ako para sa isang dyaryo.”


Sapat na iyong dahilan para ibigay ng matanda ang detalye kung saan siya nakatira. Napansin ni Santiago na hindi pamilyar sa kaniya ang lugar,  hindi rin niya alam kung paano niya pupuntahan iyon pero problema iyon para sa ibang araw. “Malapit sa Nalalata,” ang paalala ng matanda, “magsimula ka sa talon.”


Nang magpaalam ang matanda sa kaniya, nakaramdam siya nang malalim at hindi maipaliwanag na takot. Baka sa ihip ng hangin, o kaya ay mga nagbabayadng anino sa kaniyang likod. Nang makasakay siya sa tricycle papuntang Balatan, nangibabaw sa puno ng kaniyang tenga ang ingay ng makina.


Hindi na maingay ang Balatan nang dumating siya. Bumabalik na ang karaniwang katahimakan ng bayan. Siya na lang, sa tingin ni Santiago, ang nag-iisang mamamahayag na bumalik sa Balatan. Naibalita na ang nangyari kay Gobernador Abrantes at humakbang na ang lahat sa susunod na kabanata ng probinsya. Siya na lang siguro ang nakaalala sa magsasakang nakakita sa bangkay ng gobernador.


Tirik na tirik ang araw nang dumating siya sa harap ng bahay ng magsasaka, napansin siya ni Elsa pero hindi ito umimik. “Nay, nandito po ba si Krisanto?” tanong ni Santiago, “kukumustahan ko lang po sana siya.”


Itinuro ni Elsa ang maliit na tuldok sa malayong bahagi ng palayan. Hindi ito nagsalita, naglakad sa pilapil si Santiago para puntahan si Krisanto. Malayo pa lang, alam na agad niyang napansin siya ng magsasaka. Tumigil ito sa ginagawa niyang pagtabas ng damo. “Nabisita ka ata ulit,” ang sabi ni Krisanto, “may namatay na naman ba?” umiling si Santiago. “Gusto ko lang po sana kayong kumustahin,” ang sagot ni Santiago, “marami na sigurong nangyari sa inyo simula nang huli tayong nagka-usap.”


“Hindi na mahalaga ang nangyari sa akin,” malalim ang boses ni Krisanto, “narinig ko sa radyo na maraming pinapatay ngayon. Bakit hindi iyon ang puntahan mo?”


Alam ni Santiago ang isasagot pero hindi niya alam kung paano sasabihin. “Wala po akong ginagawang balita ngayon,” ang sabi ni Santiago, “gusto ko lang pong mangumusta.”


“Walang nangyari, nang wala na ang balita dito, umalis na rin ang mga nagtatanong. Tumahimik na ulit at balik na ang lahat sa dati.” Matulis ang boses ni Krisanto nang sabihin niya ito kay Santiago. “Wala nang kuwento dito. Pero umaasa ako na aahon rin kami.”


“Ano pong ibig sabihin noon?” mabilis na tanong ni Santiago. “Sa buhay na ito,” panimula ni Krisanto, “mas pipiliin kong akuin ang kasalanan ng iba para sa pera kaysa maghintay na ako na ang gagawa ng masama para makahinga. Nakikita mo ba ang malawak na palayan na ito? Nakasanla na ang lahat ng ito at hindi ko alam kung kailan kami makakabayad o kung kailan kami paaalisin dito. Marami na sa mga kaibigan ko ang iniwan ang pagsasaka, pinaluwas ng mga anak nila papuntang Maynila para doon tumira.”


Tiningnan lang ni Santiago ang mga mata ni Krisanto, may ilang salita siyang nahapit. “Gusto ninyong akuin ang pamamaslang sa gobernador... para sa pera?” susog ni Santiago. “Hindi, wala akong sinabi na ganoon,” ang sabi ni Krisanto. Alam ni Santiago na nagsisinungaling ang magsasaka. Ito na nga ba ang kinakatakot niya, humakbang na ang mga Abrantes, panigurado. Mayroon silang imahe na dapat ingatan at hindi dapat mabahiran ng dumi, lalo na ng inhustisya. Sa hinuha ni Santiago, mangyayari talaga ito para ipakita sa lahat na makakatanggap ng hustisya ang gobernador. “Mag-ingat kayo sa mga Abrantes,” ani Santiago, “palaging mayroong itinatagong mukha ang bawat ngiti nila, ang bawat aksyon. Walang tumatagal sa politika dahil sa pagiging tapat.”


Alam ni Krisanto ang lahat ng sinasabi ni Santiago. Matagal niyang pinag-isipan ang mga bagay-bagay simula nang makatanggap siya ng pera mula sa matandang Abrantes. Napakaraming oportunidad ang magbubukas para sa kaniyang pamilya sa mga ipinapangako nila. Nagkaroon bigla ng pag-aalinlangan si Krisanto sa mga salitang binibitawan niya sa mamamamahayag. Matalas ang pandinig nitong si Santiago, sa isip-isip niya. Hindi niya alam kung titingnan niya bilang hadlang ang mamamahayag o isang kaibigan. Mayroong katotohanan sa mga sinasabi nito na sa loob niya ay alam niya. Sa tagal niyang pakikinig ng balita sa radyo, alam niya ang pasikut-sikot sa ugali ng mga Abrantes, kahit sa mga maliliit na mga balita.


“Nakita mo ba ang anak ko? Bata pa iyon pero mataas na ang pangarap,” ang sabi ni Krisanto sa mamamahayag, “gusto niyang mag-aral sa Maynila at maging abogado. Kahit ako noong bata, hindi nangarap nang ganoon. Kung ang pakikipag-areglo sa mga Abrantes ang magiging sagot sa pagbibigay ng panibagong panimula sa anak ko, wala akong nakikitang masama doon.”


Natigilan si Santiago sa mga sinabi ni Krisanto. Mayroong katapangan ang magsasaka na hindi madalas na naririnig ni Santiago sa mga nakakausap niya. Lalo na kapag politika ang pinag-uusapan. “Hindi pa ako nagdedesisyon sa mga naging pag-uusap namin. Pero ano pa bang puwede kong gawin kung hindi tanggapin ang biyaya mula sa kanila,” ang dagdag ni Krisanto, “kapag gutom ka at may naghain ng pagkain sa harap mo, hindi mo na iisipin kung sasakit ba ang tiyan mo o malalason ka. Kakainin mo na agad para mapawi ang kalam ng tiyan.”


Kung may isang bagay na hindi na dapat pinapalawig, ito ay kapag may matibay na dedikasyon ang isang tao sa isang desisyon. Alam iyon ni Santiago, ganoon rin siya nang piliin na maging isang mamamahayag. Nang magpaalam si Santiago, iniiwan niya ang hiling na maging mabuti ang buhay ni Krisanto sa desisyong pipiliin niya. Marami pang mangyayari, hindi pa tiyak ang hinaharap. Sa ngayon, kailangan niyang bumalik sa paghahanap ng mga kuwento. Bumalik naman ang magsasaka sa pagtatabas ng damo.


#

manatiling updated
mag-komento

Ika-7 na Kabanata

Nang tanungin nila kung umiyak

                              ang asawa ng namayapang gobernador, hindi nito sinasagot ang tanong. Ano naman kung hindi siya lumuluha sa pagkawala ng kaniyang asawa, indikasyon ba ng malalim na pagluluksa ang pagluha? 


Iniiwas niya ang sarili sa kahit sinong nagtatanong tungkol sa kaniyang nararamdaman. Hindi niya kailangang ipaliwanag ang kaniyang sarili. Ang pagluluksa para sa kaniya, tulad ng padarasal, ay taimtim, tahimik, at pagninilay-nilay.


“Lagyan mo naman ng emosyon ang palabas mo sa mga tao, iha,” mungkahi ng matandang Abrantres, “para lang iyang pag-arte sa teatro, ang mahalaga ay maparamdam mo sa kanila ang emosyon. Kailangan mong magpakilala ngayon, ipapaalala ko sa ‘yo na malapit na ang eleksyon.”


Natutuliling ang kaniyang tenga sa salitang iyon. Pero hindi niya ipinakita sa matanda ang nararamdaman niya. Pagpipigil, iyon na siguro ang nagbibigay-kahulugan simula nang magkakilala sila ni Gobernador Abrantes.


Bata pa sila noon, pero tandang-tanda niya ang laman ng unang liham na ipinadala nito sa kaniya. Kung nilalanggam lang ang salita, naglakad siyang pauwi nang araw na iyon na sinusundan ng mga langgam. 


Pagkaraan lang ng ilang taon niya nalaman na ang salita ay maraming kahulugan, na ang salitang iniibig kita ay may mga hindi sinasabing motibo.


“Ginamit mo lang ako,” ang natatandaan niyang sinabi niya nang malaman niyang mayroong kabit ang kaniyang asawa, “hindi ka na naawa sa akin, nakuha mo ako nang buo. Hindi sana ako sumama sa iyo kung alam kong babasagin ko lang rin ako sa huli.”


Ilang pelikula na ba ang napanood niya tungkol sa lalaking nangangako na magbabago. Pakiramdam niya’y nasa isang pelikula siya. Mahal niya si Gobernador Abrantes, tinuturing niyang pamilya ang pamilya nito. 


Pero lumipas na ang mga maling desisyon at dumating siya sa panahon kung kailan kailangan na lang niyang magpigil, para sa kaniyang sarili at para sa kaniyang anak. Napakaraming pagkakataon ang kaniyang pinalipas: pagtatapos sa pag-aaral niya sa kolehiyo, paggawa ng mga bagay na dati’y nagbibigay saya sa kaniya katulad ng pagsusulat, pagkuha ng litrato, pagpunta sa iba’t ibang mga lugar.


Kinakailangan niyang maging isang asawa, kailangan niyang gampanan ang kaniyang tungkulin bilang mapagmahal na asawang nakatabi palagi sa gobernador.


Nang malaman niyang natagpuang patay ang kaniyang asawa, nakaramdam siya ng magkahalong lumbay at saya. Para masigurado kung ano ang kaniyang nararamdaman, hinalikan niya ang bangkay ng kaniyang asawa. 


Inalam niya kung ano ang mas matimbang, ang lungkot o ang saya. Dahil sa dulo ng kaniyang isip, bumukas ang mga hinuha na pupwede na niyang gawin ang mga gusto niya. Hindi na siya nakatali sa pangalan ng kaniyang asawa, pupwede na siyang mabuhay ulit.


“Hindi pa kilala ng mga tao si Joe. Ikaw ang kilala nila,” ang sabi ng Matandang Abrantes habang kumakain silang mag-anak ng hapunan, “nakausap ko na ‘yang anak mo. Gusto niyang tumakbo pero sa mababang puwesto muna. Kailangan mong tumakbo sa pagiging gobernador. Pinayuhan ko na si Joe na tumakbo muna bilang Provincial Administrator. Isipin mo na lang ang gustong mangyari ni Francisco.”


Kapag pinapalibutan ka ng mga taong umaasang maging aktor sa palabas na sila ang nagsulat ng sasabihin, gagawin, at mga mangyayari, ano ang kontrol mo bilang tauhan sa kanilang kuwento?


Pumayag siya sa hiling ng matandang Abrantes, nakita niya sa mata ng kaniyang anak na gusto nitong ipagpatuloy ang nasimulan ng kaniyang ama. Hindi naman mawawala ang alinlangan, isang talon sa bangin ang bawat desisyon, at pagtalon nga ang ginawa niya.


Isang umaga, lumabas na lang siya sa telebisyon si Mrs. Abrantes, binanggit nito ang pagpanaw ng kaniyang asawa. Ilang ulit niyang binanggit ang mga salitang pagpapatuloy, paglilingkod, hustisya, mamamayan, iisa, at sama-sama. Tinapos niya ang kaniyang talumpati sa paghingi ng hustisya para sa nangyari sa kaniyang asawa.


Naging maingay ang pangalan ni Mrs. Abrantes, ipinag-utos na rin ng matandang Abrantes sa mga pahayagan na gumawa ng kuwento ng pinaplanong pagtakbo sa politika ni Mrs. Abrantes. Ilang interbyu pa ang nagdaan, ilang pagtanggi sa pagtakbo, kaunting drama tungkol sa sariling kakayahan, at ilang pagbaling sa anak na si Joe. 


Kinumpirma ni Mrs. Abrantes isang araw ang kaniyang planong pagtakbo sa pagiging gobernador. Makikitang may pagdiriwang sa bawat lugar sa probinsya, naging mainit naman ang tingin ng mga kalaban ng mga Abrantes.


Alam nilang isang palabas lang ang ginagawa ng mga ito, katulad ng maraming palabas na nangyari noon. May mga bulong rin na kumakalat tungkol sa kamatayan ni Francisco Abrantes, dahil parang plano ang lahat: Namatay ang asawang lalaki, tumakbo ang asawang babae, ipinakilala ang anak, at hindi nawawala ang kanilang apelyido sa bawat sulok ng probinsya. 


Pero tahimik lang ang mga kalaban ng mga Abrantes, nakaabang lang sila sa mga nangyayari. Wala palabas ang hindi makikitaan ng butas at walang kuwento ang perpekto sa lahat ng anggulo.


Unang lalabas ang karatula ng mag-anak sa Sipocot, sa interseksyon pagbaba ng bundok. Makikita ang malaking litrato ng tatlong Abrantes, sa gitna si Mrs. Abrantes at sa magkabilang gilid niya si Joe at ang matandang Abrantes. 


Kasing puti ng kanilang ngiti ang suot-suot nilang damit. Bumabati ang karatula sa lahat ng mga bus na papunta at paalis ng Bicol. Isang testimonya na papunta na sila sa teritoryo ng mga Abrantes at malugod ang mga ito sa lahat ng bibisita sa kanilang banwa.


Habang naghahapunan, nagpasalamat ang matandang Abrantes kay Mrs. Abrantes, nakikinig lang si Joe nang magsimulang magkuwento ang matanda. 

“Hindi mo kailangang kabahan, Joe, ang mahalaga ay manalo tayo. Kung ayaw mong magtrabaho, puwede naman tayong kumuha ng mga taong gagawa ng trabaho para sa ‘yo. Napakaraming tao ang gustong magtrabaho para sa gobyerno, napakarami nating puwedeng utusan para mag-isip.


 Nakakapagod lang ang pagbisita sa mga barangay, pero pagkatapos ng eleksyon, pahinga na. Ang kailangan na lang nating gawin ay magpakita sa kung saan-saang lugar para maalala tayo ng tao. 


May isang bata nga, nagpasalamat sa akin nang makilala na isa akong Abrantes, nakikita niya daw palagi ang pangalan ko sa mga basketball court, sa eskuwelahan, at kung saan-saang lugar. 


Panalo na iyon, Joe, kapag nakikilala ka ng mga bata. Sila ang magiging botante mo sa hinaharap.”


Sa isang sulok ng Camarines Sur, may mga pamilya ring nagsimulang maghapunan. Nakabukas ang telebisyon habang naghahanda sila ng hapag-kainan. Ibabalita ulit sa telebisyon na tinanggap na ni Mrs. Abrantes na tumakbo bilang gobernador ng probinsya. 


Dumadaan lang sa kanilang tenga ang balita, ipinapalanalngin nila ang kanilang kakainin at ang kakainin nila sa mga susunod na araw. Pag-uusapan nila kung ano ang gagawin nila bukas, at hindi nila pag-uusapan ang mga bagay na hindi naman nila kailangan sa araw-araw.


Pag-uusapan nila kung magkano na ang kilo ng baktin, o kung may bunga na ang puno ng cacao. May ilan ring namang magbabanggit ng eleksyon, ano na naman kaya ang magiging eskandalo sa kani-kanilang mga barangay, magkano kaya ang ibibigay ng magkabilang kampo?


Dito magsisimula ang paghahanda ng mga Abrantes sa darating na eleksyon. Sila ang nasa gitna ng entablado, inihahanda na nila ang kanilang palabas. 


Magtatagpo ang lahat kung sino ang mayroong pinakamabentang palabas. Alam ng mga Abrantes na mataas na ang kanilang entrablado para habulin ng kanilang mga kalaban sa politika.


At ang kamatayan ng isa sa kanila ang magiging tuntungan ng kanilang palabas. Isang panibagong simula rin ito para kay Mrs. Abrantes.


Sa harap ng mga tao, puwede niyang sabihin ang mga bagay na gusto niyang sabihin. Pero hindi na muna ngayon, kinakailangan niya munang manatili sa pagpipigil.


Dumarating ang tamang panahon sa mga taong alam kung kailan dapat magsalita. Sa ngayon, siya si Mrs. Abrantes, ang asawa ng pinaslang na gobernador. Siya si Mrs. Abrantes, ang nanay ni Joe. Sa ngayon, siya muna si Mrs. Abrantes.


#

manatiling updated
mag-komento

Ika-8 na Kabanata

Naniniwala ako sa Dios,

                              ang pinaka- makapangyarihan sa lahat, ang Dakilang Nagbibigay, ang Manlilikha ng lahat ng tao at lahat ng mahalaga sa akin. Bilang kapalit, ang magagawa ko lang ay mahalin Siya, at higit sa lahat ay sundin ang Kaniyang mga salita, hingin ang Kaniyang patnubay sa lahat ng iniatas sa kaniya at bigyang dangal Siya sa lahat ng oras.


Kapag natatapos ang duty ni Emilio, palagi siyang dumadaan sa St. Raphael para manalangin. Para sa kaniya, ang pagtatapos ng araw ay isa na namang biyaya ng buhay, mapanganib ang kaniyang trabaho bilang pulis at nakadikit na sa kaniya ang hinuha na nakahanda siyang itaya ang kaniyang buhay para sa kaniyang tungkulin. Palaging tinatapos ni Emilio ang kaniyang panalangin sa pagbabanggit na ang Dios ang pinakamakapangyarihan sa lahat, kahit ang bala ng kaaway ay hindi tatablan hangga’t binibiyaan siya ng bendisyon ng Maykapal.


Ipinalangin niya rin ang kaniyang sarili, ang mga kasalanang nagawa niya, binabanggit niya palagi na iniuutos lang sa kaniyang ang mga iyon at ang hindi pagsunod ay katumbas ng pagpapatiwakal. At minsan-minsan ay tatanungin niya ang kaniyang sarili kung bakit siya humahagulgol ng iyak. Ang bawat pagpitik niya sa gatilyo ay binibendisyunan ng Dios, ito para sa kaniya ang hatol sa mga taong tumataliwas sa utos ng Dios. Siya ang nagbibigay hatol, at siya rin ang humahatol sa kaniyang sarili. Ang baril niya ang hustisya, at ang kamay niya ang tunay na sandata.


Naniniwala ako na ang pagrespeto sa awtoridad ay isang responsibilidad. Nirerespeto at sinasandigan ko ang Konstitusyon, ang batas ng bansa at ang mga sumasaklaw na panuntunan at regulasyon. Kinikilala ko bilang lihitimo at may awtoridad ang namumuno, at sundin ang kautusan ng mga nakakataas sa akin.


Nang malaman ng kaniyang Commanding Officer na hindi niya pa rin natutunton ang mamamahayag na si Santiago Malanyaon, bumuga ito ng mga salitang sumasakal sa leeg ni Emilio. Hindi siya dapat sumagot sa kaniyang C.O, at hindi niya kailangang ipaliwanag ang mga nangyari. Paggalang lang para sa mas nakakataas ang kailangan ng isang pulis para tumaas ang ranggo. Paggalang lang ang kailangan para manatili sa trabaho. Lahat naman sila ay may dinadalang dumi sa katawan, pero mas tuso ang mas madudumi. Hindi sila natatakot na ibato ang sariling baho sa iba, at mas malakas ang loob ng pinaka-mababaho sa lahat. Tumahimik lang si Emilio at nangakong gagawin niya ang kaniyang makakaya para matunton ang mamamahayag. Hindi na sumagot ang kaniyang Commanding Officer sa kaniya.


Naniniwala ako sa hindi makasariling pag-ibig at serbisyo sa mamamayan. Upang marating ito, iniaalay ko ang sarili ko sa pagbibigay serbisyo sa kapwa ko higit sa aking sarili.


Noong unang taon niya sa pagiging pulis, nakalista na ang mga bagay na gusto niyang gawin para sa kaniyang presinto. Palagi niya itong binabanggit sa kaniyang mga kasamahan, na pinapakinggan lang siya habang ikinukuwento niya kung ano ang kinalakihan niyang pamilya, kung paanong nakita niyang nasira ang buhay ng kaniyang mga kamag-anak na nalulong sa sugal, sa droga, at kung paano sila nabiktima ng mga mapagsamantalang mga tao. Iyon ang rason ng kaniyang pagpupursigi para maging pulis. Iyon ang pangunahin niyang dahilan kung bakit gusto niyang magsilbe.


“Mag-ingat ka sa mga sasabihin mo, Emil.” payo ng nakakatanda niyang kasamahan, “Sumunod ka na lang sa utos, hindi mo gugustuhing pumait ang tingin ng mga nasa taas sa ‘yo.”


Hindi niya iyon sineryoso, ano ang timbang ng mga salitang iyon para sa kaniya na nakikita ang lahat ng problema, at alam ang mga solusyon sa mga iyon. Kinakailangan niya lang gawin ang kaniyang trabaho. Dito niya malalaman na hindi pantay ang mga pulis, hindi pantay ang ideya at hindi pantay ang paraan ng pagsisilbi. Palaging nasusunod ang nasa itaas, at ang mga pulis na nasa ibaba ay dapat na sumunod. Walang bigat ang salita ng mga mabababa ang posisyon sa kapulisan, pero silang mga mabababa ang ranggo ang isinasalang sa mga maliliit na digmaan.


Naniniwala ako sa pagkakaroon ng responsableng pangangalaga at pagtingin sa mga materyal na bagay. Pipigilan ko ang aking sarili mula sa mga mamahalin at hayag na pagpapakita ng ari-arian. Ako ay tutulong sa pangangalaga ng kalikasan at pangalagaan ang kalikasan upang mapanatili ang ekolohikal na balanse.


Hindi niya makakalimutan ang mga pagkakataon na inaatasan siya ng kaniyang Commanding Officer na sumama sa kung sino-sinong tao. Mga malalaking tao mula sa Maynila ang madalas niyang sinasamahan, siya na rin ang nagiging tour guide ng mga ito sa Camarines Sur. Pero alam ni Emilio na hindi usapang gobyerno ang pakay ng mga ito sa probinsya, naririnig niya ang pag-uusap ng mga ito, mga personal na lakad nila ito. Hindi rin naman mga opisina ng gobyerno ang kanilang pinupuntahan, hindi rin naka-suot pormal ang kaniyang mga sinasamahan. Pero galante ang mga ito, walang isang beses siyang hindi umuwing busog at may dalang pasalubong. Mataas rin sila kung magbigay ng tip para sa kaniyang serbisyo. Ang pag-iingat sa kanila, ang sabi ng kaniyang Commanding Officer, ay pag-iingat na huwag magkagulo. Kapag nadisgrasya ang mga taong in-assign sa kanila ay paniguradong magkakaroon ng gulo. Dawit ang lahat, mula kay Emilio hanggang sa Chief ng PNP. Kaya may tahimik na kasunduan na kailangang tikom ang lahat sa mga nangyayari.


Naniniwala ako sa karunungan ng pagiging matapat. Ako ay dapat na napagkakatiwalaan at palaging pinanghahawakan ang katotohanan.


Ikinukumpisal niya ang lahat ng kaniyang pinatay, ikinukumpisal niya ang timba-timbang aalala ng tumatagas ng dugo sa kaniyang isip. Ikinukumpisal niya ang amoy ng dugo ng tao, na mas malansa pa sa dugo ng kahit anong hayop. Ikinukumpisal niya ito sa kaniyang sarili at wala nang iba. Ipinagtatapat niya ang kaniyang mga pagkakasala sa kaniyang hiraya at ibinabaon niya ang alaala ng pagkalabit niya ng gatilyo.


Hindi na rin alam ni Emilio kung paano siya napunta sa kalagayan niya ngayon. Inuulit niya palagi na hindi madali ang maging pulis, isang malaking patibong ang pangangarap na maging instrumento ng batas sa isang bansang pinagtatalunan pa ang kahulugan ng mga salita. Kaninong hustisya ba ang pinanghahawak ng katulad niyang pulis, ano ang pinagsisilbihan ng kaniyang mga ginagawa. Para ito sa taong bayan, ang palaging paalala ng kaniyang Commanding Officer, isipin mo na lang ang mangyari kung ang mga taong mas mataas sa atin ang magalit. Para sa bayan rin ang pagsunod natin, Emilio, para sa mapayabang bayan.



***



Ang susi sa isang matagumpay na imbestigasyon ay ang pagkilala sa iimbestigahan. Kinakailangan mong alamin kung paano mag-isip, saan ang mga lugar na madalas na pinupuntahan, ano ang mga detalyeng magbibigay ng daan para mapalapit sa iniimbestigahan. Mula sa kinalalagyan ni Emilio, nakita niyang ang daan para makapagsimula siya sa paghahanap sa mamamahayag ay ang pagbabasa sa mga sinusulat nito, malaki ang kutob niyang mayroon siyang makukuhang mga detalye sa mga artikulong sinusulat ni Santiago Malanyaon para sa Tiempo. Ano ang mga lugar na pinangyayarihan ng mga ibinabalita niya, saan ang mga lugar na palaging pinangyayarihan ng kaniyang mga balita.


Ang balita noong Lunes na nasa ilalim ni Santiago Malanyaon ay ang ginawang buybust operation sa Calabanga, ang sunod ay ang interbyu kay Propesor Gerona sa bahay nito sa Naga, at ang pinakabagong balita mula sa diyaryong Tiempo ay tungkol sa masikip na kulungan sa Iriga City District Jail. Tinawagan ni Emilio ang kaibigan niya sa BJMP para ipagtanong kung kailan pumunta doon si Santiago Malanyaon. Kinumpirma ng mga ito ang pagdalaw ng mamamahayag dalawang araw na ang dumaan. Ilang hakbang siyang nasa hulihan ni Santiago, sa isip ni Emilio, paano niya tatalunin ang dalawang araw na pagitan.


Habang naninigarilyo sa harap ng San Antonio de Padua, may isang lalaking nagtanong kung pupwedeng mahiram ang kaniyang lighter, naaninag niyang may hawak na sigarilyo ang lalaki pero hindi niya ito nilingon. Inabot niya ang lighter pagkatapos ay malalim na humithit sa subo-subo niyang sigarilyo. Salamat boss, ang sabi ng lalaki habang inaabot pabalik ang lighter, ngayon lang kita nakita dito, turista ka? Umiling si Emilio, Buko tabi, ang sagot nito. Salamat sa lighter, ang sagot ng lalaki. Nang malingon si Emilio, kawangis ng lalaki si Santiago Malanyaon. Pero bago pa niya mahabol ang lalaki, nawala na ito sa gitna ng mga taong papasok at palabas ng simbahan. Kakatapos lang ng misa ng pari, para namang natutuliling ang tenga ni Emilio sa biglang ingay ng paligid.


#

manatiling updated
mag-komento

Ika-9 na Kabanata

“Sa paggawa ng minasbad, kinakailangan alam mo kung paano makipagkaibigan sa apok.

                              Dapat alam mo na usok ang sagot ng baga sa hangin.”


“Nakikipag-usap ka dapat sa kanila, dahil ang mga ito ang huhulma sa talim ng itak. Dalawa ang pinakatampok na bahagi ng minasbad, ang bakal at ang puluhan: ang bakal ang pinaka-matagal gawin, pero ang puluhan ang nagbibigay ng pangalan sa minasbad.”


Pinapakinggan lang ng mamamahayag ang kuwento ng matanda habang ipinapasok nito ang pahabang bakal sa lumalagablab na pugon.


“Nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, alam nila na marami sa mga naninirahan sa Pilipinas ay naniniwala sa Islam at Animismo. Napansin rin nila na nagkakaisa ang magkaibang paniniwala sa mga lugar na binibisita nila.”


“Nang ipakilala nila ang Santo Niño at ang relihiyon ng Katolisismo, ipinakita nila ang Moro-moro at ang inanyuang demonyo sa mga anito. Bumuo sila ng alinlangan at pag-aawayan ng mga tao. Ang pagdakip sa paniniwala sa mga panahon na iyon ang naging susi para watakwatakin ang sinaunang bayan.”


“Ipinaganak daw ang minasbad sa pagtutungaliang ito, hindi malinaw ang pinanggalingan ng itak pero ang hinuha ng marami ay kapatid ito ng kampilan ng mga moro at ang beladah belabang ng mga taga-Borneo.”


“Ang kuwento naman ng iba ay ipinangtapat ng mga sinaunang Bikolano ang minasbad sa mga sandata ng mga Moro, pero mas gusto kong paniwalaan na mula ito sa interaksyon ng dalawang magkaibang paniniwala at kultura, dito nanggaling ang minasbad: hindi mula sa tunggalian pero sa pagpapalitan.”


Nang hugutin ng matanda ang bakal palabas ng pugon, pumupula na ang bakal. Kinuha ng matanda ang martilyo at nagsimulang pukpukin ang bakal. Lumilipad ang usok palabas ng bakal, tumigil ang matanda sa pagsasalita pero patuloy ang pagbulong niya habang ibinabagsak niya ang kaniyang martilyo.


Pinatulis niya ang manipis ng dulo ng bakal, dito niya ilalagay ang puluhan na gawa sa sungay ng kalabaw. Nang bumalik ang kulay ng bakal, ibinalik ito ng matanda sa loob ng pugon. Mayroon rin siyang ginagamit na makina para lumakas ang apoy sa loob ng pugon, parang tumatakbong tren ang tunog ng makina, lumalakas ang paggaralgal nito kapag binibilisan niya ang pag-ikot.


Kinuha ng matanda ang nahugisang sungay ng kalabaw. Pero wala pa ang mukha ng minasbad. Ipinasok niya ang pumupulang bahagi ng bakal sa butas ng puluhan. Lumabas ang usok sa butas at sa itaas na bahagi ng puluhan habang marahan niyang isinusuksok ang bakal. Sumisitsit ang puluhan at umiikot ang usok sa paligid.


“Parang nagsasayaw ang usok, ano?” ang sabi ng matanda. Inilabas niya ang bakal para sukatin kung tama ba ang haba ng bakal. Pagkatapos ay ibinalik niya ulit. “Dapat tama ang kurba ng bakal para tumugma ang pasok sa puluhan. Kapag hindi tugma, madaling matatanggal ang puluhan sa minasbad. 

Delikado iyon para sa gagamit.” Ibinalik niya sa pugon ang bakal, inikot niya ulit ang kaniyang makina.  Pagkatapos ay sinubukan niya ulit na ipasok ito sa puluhan. Ilang pukpok pa sa bakap ara umarko ito sa tamang hugis, ilang ulit pang pagtatya.


“Hindi mo dapat minamadali ang paggawa sa minasbad, dapat lumabas ang dulo ng bakal sa likuran ng puluhan.” Umaapoy ang dulong bahagi ng minasbad, nanggangalit na dragon ang tawag ko dito, ang sabi ng matanda.


Mausok na sa paligid ng pagawaan. Kapag nakalusot na ang bakal sa dulo, dagdag ng matanda, puwede na itong dalhin sa labas para lagyan ng laman sa loob, para sumikip at hindi umuga ang puluhan.


“Akala ko hindi ka na bibisita dito.” Ang sabi ng matanda, “baka kako natakot ka sa mamang gumagawa ng minasbad.” Tatawa-tawa ang matanda. “Pantao nga naman ang minasbad, proteksyon ito ng mga tao at madalas na itinatago sa loob ng bahay.”


“Mahirap lang hanapin ang daan mula sa Nalalata. Masyadong liblib ang lugar, ang tarik pa ng daananan. Nagtataka nga po ako habang naglalakad kung paano kayo nakakapunta sa sentro,” ang sagot ni Santiago. 


Mayroon siyang pakiramdam na hindi nag-iisa ang matanda sa lugar na ito, mayroon kasi siyang natanaw na mga bahay sa hindi kalayuan kanina. “Marami kaming nakatira dito, ang bahay ko ang pinakaunang bahay na makikita mo dito.” 


“Nasa dulo pa ang karamihan sa mga bahay. Kung hindi ka nagamamadali, ipapakilala kita kay Andrea. Paniguradong matutuwa iyon na mayroong manunulat dito. Nagsusulat din iyon.” Parang lumiwanag ang mukha ng matanda, nawala ang pagseseryoso sa tono nito.


Sa isip ni Santiago, panibagong kuwento na naman iyon. Umiling ang mamamahayag. “Siguro sa susunod na lang po. Gusto ko ho munang makita kung paano niyo bubuuin ang minasbad,” ang tugon niya. Kinuha ng matanda ang puluhan at nahasang bakal.


Naglakad siya palabas ng kaniyang gawaan, inilapag niya sa makapal na tabla ang puluhan at ang bakal. Bumalik siya sa loob ng bahay para kuhanin ang ilang gamit. May mga naglalarong bata sa malayo, o siguro mula sa lagitik ng rumaragasang tubig.


Bumalik ang matanda na may dalang ilang pirasang bakal, isusuksok raw ito para masikipan ang puluhan sa bakal. “Mahiwaga ang kamay ng tao, ano?” ang panimula ng matanda, habang umuupo, “Kung hindi lima ang daliri natin, ano kaya ang tao ngayon? Hindi siguro tayo makapagtatayo ng bahay, o makakahabi ng damit.”


Tumahimik na ang matanda, nakatutok na ang mga mata nito sa pag-aayos ng minasbad. Tugma ang bawat hampas nito ng martilyo sa bakal at pagpukpok ng puluhan sa makapal na tabla. 


“Saan niyo po pala natutunan ang paggawa ng minasbad?” ang tanong ng mamamahayag. “Minana ko ito sa ninuno ng mga kapwa ko Bikolano. Gabay-gabay ko sila sa paggawa ng minasbad. Sila ang nagbibigay ng tamang desisyon kung paano ko ihuhulma ang bakal, o kung ano ang hangganan ng paggawa. Iilan na lang kaming gumagawa ng sundang dito sa Rinconada. Nasa mga tabi-tabi kami, mga cimarrones.”


Bago pa magtuloy sa pagtatanong si Santiago, natapos na ng matanda ang ginagawa niyang minasbad. Inabot niya ito sa mamamahayag at hinayaan itong suriin ang sundang.


“Maniniwala ka bang napapanaginipan ko ang mukhang nakalagay sa puluhan? Kinakausap nila ako sa gabi, pinapaalalahanan nila ako na kinakailangan kong ipagpatuloy ang paggawa ng sundang para hindi sila makalimutan.”


“Alam mo bang mahalaga para sa mga ninuno natin ang alaala? May tinatawag na mga espiritung bahay noon, minsan pa nga’y mga rebultong itinatago ng mga ninuno natin sa kanilang bahay. Nandoon raw ang kaluluwa ng mga ninuno nila. Pinapaniwalaan kong maraming espiritu ang nakatira sa bahay ko, sila ang nagliligtas sa akin sa mga panahong kinakailangan ko ng pananggalang.”


Naging mahaba ang kuwentuhan nilang dalawa, naging mahiwaga para kay Santiago ang mga kuwentong ibinabahagi sa kaniya ng matanda, ang mga paniniwala nito at ang mga tinatawag nitong kasama niya sa bahay. 


Bago nila tapusin ang pag-uusap, nabanggit ulit ng matanda si Andrea, “Magka-edad siguro kayo, nakatira siya sa itaas. Mas marami siyang kuwento,” 


“Siya ang dahilan kung bakit kami nandito ngayon. Katulad mo, nagkausap lang kami sa kung saan.” Ipinangako ng mamamahayag na bibisita ulit sa bahay ng matanda para maka-usap ang binabanggit nitong Andrea. Bago pa siya umalis, naalala ni Santiago na hindi pa pala niya nakukuha ang pangalan ng gumagawa ng sundang.


“Kalayo ang tawag ng mga tao sa akin,” ang sagot niya sa tanong ng mamamahayag, “Mahabang kuwento ulit kung paano ko nakuha ang pangalang iyon.” Nang magpaalam ang mamamahayag kay Kalayo, nagsisindi na ito ng gasera.


Tsaka lang napansin ni Santiago na walang kuryente sa lugar kung saan nakatira si Kalayo at mas lalong dumami ang tanong kung bakit walang linya ng kuryente sa isang lugar na, ayon sa matanda, ay maraming nakatira.


#

manatiling updated
mag-komento

Ika-10 na Kabanata

Pumipitik ang flash ng mga camera...

                              ... nang dalhin si Krisanto sa harap ng nakakumpol na midya. Nakaposas sa kaniyang likod ang kaniyang kamay, pumipikit-pikit naman ang kaniyang mata habang inilalalayan siyang umupo sa upuan sa gilid ng entablado.


Ang napag-usapan nila ng matandang Abrantes, tatahimik lang siya sa lahat ng mga mangyayari. Hindi niya kailangang magsalita, hindi siya dapat magsalita. Pero hindi inakala ni Krisanto na ang haharapin niya pala ay mga taong kukuha ng kaniyang litrato, ang bubulong sa kaniya ng mga bagay na hindi niya naman talaga ginawa, at magsasabi sa kaniya ng mga bagay na naririnig lang niya na ginagamit sa mga drama sa radyo. 


Pero maraming ipinangako ang matandang Abrantes, iyon ang pinaka-mahalaga para sa kaniya ngayon: makapag-aaral sa Maynila ang kaniyang anak, matutubos niya ang kaniyang lupa, at maibibigay na niya sa kaniyang pamilya ang maraming bagay.


Noong isang buwan, humarap sa amin si Krisanto para humingi ng tawad, ang panimulang sabi ng matandang Abrantes, inamin niya sa amin na siya ang pumaslang sa aking anak. Marami siyang binanggit sa aming dahilan at nandito kami para ipakita na tumutulis ang mga pangil ng ating hustisya. Ito ay tagumpay ng ating hustisya!


Nagpalakpalakan ang mga nakikinig, pumapalakpak rin ang flash ng camera. Pakiramdam ni Krisanto ay nasusunog ang kaniyang mga mata, kahit nakayuko na siya’t nakapikit. Pagkatapos ng ilang minuto, inalalayan na si Krisanto para umalis sa entablado. Tinatanaw naman ni Santiago Malanyaon ang paghawak ng pulis sa braso ng magsasaka, walang pag-iingat ang mga pulis na ito sa matanda, ang bulong niya sa sarili. Umakyat sa entablado si Mrs. Abrantes para magsalita sa tagumpay ng kanilang pamilya.


“Maigsi lang ang gusto kong sabihin, ngayong araw magsisimula ang mahabang kuwento ng pagbabago. Sa ngalan ng alaala ni Francisco, wala tayong pupuntahan kung hindi sumulong patungo sa patuloy na pag-unlad. Maraming salamat sa inyong lahat. Nawa’y huwag kayong magsawang magbigay suporta sa akin, at sa aking pamilya.”


Tatapusin na sana ni Mrs. Abrantes ang presscon, pero nagsimula nang magtanong ang mga tao tungkol sa mangyayari kay Krisanto, kung ano ang mga plano ng pamilya para sa darating na eleksyon, ano ang pakiramdam niya bilang asawa ni Gobernador Abrantes na ngayon ay nahuli na ang may sala sa pagkamatay ng kaniyang asawa?


“Hahayaan natin na ang husgado ang magdesisyon. Rerespetuhin natin ang proseso ng ating hukuman. Katulad ng sinabi ng Tatay, matulis ang pangil ng hustisya at susugatan nito ang nakikita nitong may kasalanan. Tungkol sa eleksyon, maaga pa para magsalita tungkol sa eleksyon, pero asahan ninyong pupuntahan namin ang lahat ng lugar sa Camarines Sur para maka-usap kayo. Handa kaming makinig, at handa kaming umaksyon.”


Hindi na sana sasagutin ni Mrs. Abrantes ang tanong tungkol sa kaniyang asawa at sa nararamdaman niya. Pero tuloy ang mga tanong sa pagtatanong sa kaniya. Nilingon niya ang gilid ng entablado at wala na si Krisanto, ibinaling niya ulit ang tingin sa harap.


“Napakalaking tinik ang nabunot sa amin, napakaraming pangamba para sa seguridad naming magkakasama sa bahay ang araw-araw na nagmumulto sa amin. Pero ngayon nagkaroon ng kasagutan ang lahat, ngayon nawala ang takot na iyon. 


Nakahinga ako ng maluwag nang ipagtapat ni Krisanto ang mga ginawa niya, doon pa lang ay pinatawad ko na siya sa mga ginawa niya. Pero dapat pa rin nating sundin ang magiging pasya ng hukuman, susundin natin ang due process. Aasahan ng lahat na hindi mangingialam ang pamilya Abrantes sa magiging proseso ng pagdinig ng kaso at sisiguraduhin natin ang kapakanan ni Krisanto. 


Ang sabi nga sa sikat na kasabihan: Hindi napapagaling ng galit ang kahit anong sugat, palaging magsisimula ang paghilom sa pagtanggap. Wala na si Francisco, tanggap ko na iyon. Pero kinakailangan nating lumagpas sa galit, dahil sa huli naman ay tayo lang ang magkakasama.”


Nagpasalamat na si Mrs. Abrantes at nagpaalam na siya sa mga mamamayag. Parang nagdilim naman ang paligid dahil sa pagtigil ng pagpitik ng mga camera. May bulungan sa paligid pero bago pa magkaroon ng sagot ang mga tao, nawala na si Mrs. Abrantes. Nakatayo si Emilio sa may pinto, minamata ang mga taong papalabas. Itinago niya ang pagkasabik nang makita niya si Santiago Malanyaon na naglalakad papunta sa pinto kung saan siya nakatayo. 


Nakaramdam ng kuryente sa katawan si Emilio nang daanan siya ni Santiago Malanyaon. Tiningnan niya kanina ang listahan ng mga nakapasok na mga mamamahayag at walang Santiago Malanyaon ang naka-lista. Pero natatandaan niya ang mukha ng mamamahayag, mala-sigbin niyang naaamoy ang dugo sa iniiwan nitong anino. Sinundan niya ito palabas ng JRC, hindi malapit pero hindi rin malayo. 


Naglakad ito papunta sa parking ng CBD Plaza, iisang ilaw lang ang nakabukas malapit sa smoking area. Kukuhanin niya ba ang pagkakataong pakawalan ng kumakating bala sa kaniyang baril?


Nakita niyang nagsindi ng sigarilyo ang mamamahayag. Maliwanag sa dulo ng eskinita, para siyang hinihila na lumapit, itutok ang kaniyang baril at pitikin ang gatilyo. Hindi ito tatagal ng isang minuto, at aalis lang siya na parang walang nangyari. Pero iba ang nangyari, paglapit niya sa mamamahayag, bago pa niya mahugot ang kaniyang baril ay inalok siya nito ng sigarilyo.


“Alam kong pulis ka, hindi lilingon nang lilingon ang isang tao sa mga nangyari kanina. Naka-tuck in rin ang suot mong polo. Buti nga at hindi ka nagsuot ng itim na sapatos. Sandali, namumukhaan kita, nagkita na ba tayo?” ang sabi nito sa kaniya.


Hindi tinanggap ni Emilio ang inaalok na yosi ni Santiago. “Maraming humahabol sa akin,” ang banggit ni Santiago, “siguro isa ka sa kanila. Tinanong mo ba ang sarili mo kung ano ang nagbago mula sa mga ipinapagawa nila sa ‘yo?”


Hindi pa rin sumagot si Emilio, nawalan ng lakas ang kamay para kunin ang baril, o takot na baka maunahan siya ni Santiago. Sa harap ni Santiago, nanigas ang katawan ni Emilio. Mapapatawad ba niya ang kaniyang sarili kapag namatay si Santiago, kahit alam niyang wala naman talagang nagbabago mula sa mga ginawa niya, kahit palaging sinasabi ng mga mas mataas sa kaniya na mayroon at mahalaga ang bawat assignment na ibinibigay ng mga ito sa mga katulad niya na mababa pa ang ranggo. 


Ito na ba ang pagpapatawad sa sarili na matagal na niyang hinihiling, dito sa harap ng mamamahayag niya ba makukuha ang redemsyon ng kaniyang kaluluwa?


Naglakad na lang palayo ang mamamahayag nang hindi nakapagsasalita si Emilio. Naglakad na rin siya na parang hindi nakaharap si Santiago Malanyaon. Tama ang sinabi ng mga taga-Tiempo, maraming sikretong itinatago ang mamamahayag na si Santiago Malanyaon, at isa dito ang kakayahan nitong magsalita ng katotohanan, kahit na iyon pinakatatago sa pinakadulong bahagi ng puso ng kaniyang kausap.


Naguluhan si Emilio sa mga nangyari, parang isang panaginip. Lumingon siya at nakita niyang lumiliit ang kulay pulang tuldok mula sa nakasindi nitong sigarilyo. Mas pinili ni Emilio na ipahinga ang sarili at mag-isip-isip. Bukas na lang niya ulit haharapin ang kaniyang commanding officer, kung ano ang mangyari, ang sabi niya sa sarili, bahala na.


#

manatiling updated

Ika-11 na Kabanata

Nang malunod ang buong probinsya sa dugo...

                              ... na iniwan ng mga berdugong walang mukha, mas pinili ng mga tao na huwag banggitin ang kahit anong bagay tungkol sa nangyaring pamamaslang. Isang balitang nakalimutan ang listahan ng mga taong namatay sa kalaliman ng gabi. Tikom ang lahat ng balita sa mga nangyari, mas pinipili nilang pag-usapan ang darating na eleksyon dahil nandoon ang pera mula sa mga kandidatong nagnanais na makatikim sa grasya ng kapangyarihan.


Kung gaano kalinaw ang mga salitang binitawan ni Mrs. Abrantes sa mga talumpati niya sa harap ng taong bayan, ganoon rin kalinaw ang katahimikan niya kapag nasa bahay. Pakiramdam niya’y hinihigop ng mga flash ng camera ang kakayahan niyang magsalita. Hindi naman na bago para sa kaniyang pamilya ang pagtikom ng kaniyang bibig. Hindi rin naman maingay sa pamamamahay ng mga Abrantes, hiwa-hiwalay silang naglalakad sa magkakalayong haligi ng mansyon.


Kung mag-usap man sila, palagi itong tungkol sa mga dapat nilang gawin sa politika. Isang laro lang naman para sa Matandang Abrantes ang panunungkulan niya, at ang kapangyarihan ng pagiging isang politiko ang nagbibigay-init sa nanlalamig niyang kalamnan.


Kumatok ang Matandang Abrantes sa kwarto ni Mrs. Abrantes. Gusto nitong tanungin sa kaniyang manugang kung ano ang dapat mangyari sa magsasaka. Isa ito sa mga dapat tandaan ng isang politiko: dapat ay naglalakad sa iisang naratibo ang sasabihin ng kanilang pamilya. Dahil ang paglabas sa mga karaniwan na nilang sinasabi ang pagsisimulan ng tunggalian sa pagitan nilang lahat.


Hindi agad binuksan ni Mrs. Abrantes ang pinto ng kaniyang kuwarto. Sa isip niya’y hindi naman nila kailangang pag-usapan ang mga iyon dahil ang gusto lang naman nila ay makulong ang matanda para masabing nabigyang hustisya ang pagkamatay ni Francisco, para hindi sila makitaan ng kahit kaunting kahinaan, lalo na ng kanilang mga kalaban. Nasa harap na ng pinto si Mrs. Abrantes habang pinagninilyan kung ano ba ang gustong iparating ng Matandang Abrantes. Ito ang unang beses na kumatok sa kaniyang kuwarto ang matandang Abrantes, wala sa alaala niya na lumapit sa kaniya ang matanda noong buhay pa ang kaniyang asawa. Kinikilabutan siya, siguro ay binibigyan niya lang ng kahulugan ang mga pahapyaw na tingin ng kanyang biyenan, pero alam niya na ang bawat nararamdaman niya ay mayroong timbang sa mga nangyayari. Marahan niyang binuksan ang pintuan, nakita niyang umiiyak ang matandang Abrantes sa harap ng kaniyang pintuan, mahina ang pagtangis nito pero para itong nabasang tuta na nanginginig at naghihintay ng saklolo.


“Tama ba ang ginawa ko sa magsasaka?” ang tanong ng matandang Abrantes sa kaniya. Mala-usok na pumalibot sa kaniyang katawan ang amoy ng alak, namumula ang ilong ng matandang Abrantes at namamanas ang kaniyang mga pisngi. Para itong sinisipon dahil namumugto rin ang kaniyang mata, sa isip ni Mrs. Abrantes habang nakatingin sa kaniyang biyenan. Nakalupasay ito sa sahig ng kaniyang kuwarto, parang marungis na basahang itatapon na lang dahil hindi na malilinis. Gustong ngumisi ni Mrs. Abrantes nang maisip niya iyon pero mas pinili niyang iabot ang kaniyang kamay sa matandang Abrantes para tulungan itong tumayo.


“Wala namang tama o mali. Ang mahalaga, nagagawa mo ang gusto mong gawin. Kung tingin mo ay hindi makatarungan ang ginagawa mo sa magsasaka, bakit pa tayo aabot dito?” ang sabi ni Mrs. Abrantes, hindi na niya inisip kung anong sasabihin ng matandang Abrantes, para sa kaniya naman ay hindi ito matatandaan ng kaniyang biyenan.


Nang maalalayan ni Mrs. Abrantes ang ang matanda papunta sa kuwarto nito, hindi na ito umimik. Nagbalik na ito sa pagiging basahan na dapang-dapa sa kaniyang kama. Bago niya isara ang pinto, tiningnan niyang maigi ang matanda, at isinara niya nang marahan ang pinto.


Kung mangangamoy lang ang dugo sa hininga ng matandang Abrantes, sa isip niya, malalaman ng lahat ang kasalanan sa ilalim ng probinsya. Pero katulad ng kanilang mga kalaban, ang pagsasalita laban sa matandang Abrantes ay isang sintensyang kamatayan. Ipinapaulit-ulit na lang niya sa sarili na darating rin ang oras kung kailan pipitik ang pagkakataon at mabibigyan siya ng espasyo para kumalas.


Papaakyat na si Mrs. Abrantes nang maaninag niyang naglalakad ang kaniyang anak pababa ng hagdan. Palagi ka atang nagpupuyat, ang sabi niya kay Joe. No, Mom, may inaayos lang ako sa kuwarto. You remember those old collectibles I have? Inaayos ko kasi, makalat masyado.


Bata pa ang kaniyang anak, alam iyon ni Mrs. Abrantes. Hindi pa sila nagkakausap tungkol sa mga nangyari nitong dumaan na mga buwan. Siguro ay pinapakiramdaman rin siya ng kaniyang anak kung bukas ba siya sa pakikipag-usap tungkol kay Francisco. O siguro, matagal nang hiwalay ang kanilang anak sa kanila simula nang makapagtapos ito ng pag-aaral sa Maynila, parang nagbago na rin ang kaniyang anak. Hindi na ito katulad dati, noong maliit pa ito, na palaging nakayakap o palaging nagyayaya na maglaro. Naiintindihan niya rin naman na lumalayo talaga ang isang bata sa magulang kapag tumatanda.

 

Siguro, sa loob-loob niya, ay mayroon pa ring bahagi ang paslit na Joe: ang unang pagkakataon na kargahin niya ang kaniyang anak, kung paanong nakakatulog ito agad pagkatapos niyang basahan ng kuwento, o kapag tinuturuan niya ito kung paano gamitin ang di-remote control na kotse.


Hindi pa handa ang kaniyang anak para sa politika. Aminado rin siya na wala siyang kahandaan sa mga oras na humaharap siya sa tao. Ano ba siya sa iba, paano niya ba nakukuhang humarap sa tao na itinatago rin ang sarili kahit isinisiwalat ang mukha?


Pero dala-dala nila ang apelidong Abrantes, nakadikit na rin kay Joe ang imaheng binuo ng matanda para sa kanila. Kapag naririnig ng tao na bibisita sila sa isang lugar, palagi silang humaharap sa libu-libong tao. Ilang daang kamay ang nakakamayan nila at hindi sila nawawalan ng lakas na ngumiti.


Joe, ang sabi niya sa anak, kumusta ka? Hindi ka na nagkukuwento sa akin.


Ngiti ang unang isinagot ni Joe sa tanong. I have so many things to do, Mom.


Parang nadurog ang puso ni Mrs. Abrantes, pero hindi niya ito sinabi sa anak. Tumango lang siya at hinayaang bumalik sa kuwarto si Joe. Isang sumpa ba ang dalhin ang apelidong Abrantes? Ang tanong niya sa sarili, ito ba ang kapalit ng ginhawa mula sa pangalan? Ang mangulila sa harap ng mga kasama sa bahay, ang mahiwalay ang totoong sarili sa sariling inihaharap sa iba?


Kinakailangan lang siya ng mga mangyayari sa hinaharap. Pakiramdam niya ay malapit nang matapos ang lahat, pati ang pangungulila niya para sa kaniyang sarili. Mahaba ang gabi, pero pinapaikli ito ng mga bagay na gusto niyang gawin sa paparating na kasalukuyan. 


Hindi mahimbing ang tulog ni Mrs. Abrantes katulad ng maraming tao na tahimik ang takot na baka sila na ang susunod sa mga papaslangin. 


Magpapatuloy ang mga bagay-bagay, dahil sanay na sila sa mga nangyari. Humihilik naman ang matandang Abrantes habang tumutulo ang laway sa pisngi.


#

manatiling updated

Ika-12 na Kabanata

Ang Unang Prinsipyo: Mayroong malaki at maliit na lipunan, ang maliit na lipunan ay binubuo ng mga komunidad. Ang mga komunidad ay maaaring binuo at maaari ring na bubuuin.

 

Binago ni Andrea ang kaniyang paniniwala sa buhay. Ipinangako niya noon sa sarili na mabubuhay ng mag-isa, pero pinaalala ni Andrea sa kaniya na may panibagong mundo sa karaniwang mundo at doon niya ibinigay ang kaniyang sarili.


Pakikinggan niya ang bawat pangungusap na ginagamit ng mga politiko habang hawak ang mikropono at nakatayo sa itaas ng entablado. Nagpapalakpalakan ang mga tao habang ipinagmamalaki ng gobernador ang panibagong tayong mall sa Balatan. Sa ibaba naman ng entablado ay mga taong nag-aabot ng sobre na naglalaman ng 300 piso, kaunting tulong lang mula sa gobernador, ang bulong ng mga ito. Walang hindi tumanggap ng sobre, lahat ay bumubulong pabalik ng salamat naman at nabigyan.


Nang lumapit sa kaniya ang isang lalaki, tinanggap niya ang sobre pero hindi siya nag-usal ng pasasalamat. Binuksan niya nang kaunti ang puting sobre, sa loob ay tatlong isang daan na gusot-gusot. Binanggit ng isa sa mga mananayaw ng gobernador, pagkatapos nitong ibahagi kung paano siya natulungan ng mga Abrantes sa kaniyang pag-aaral na dumating na ang relief na ipapamahagi sa lahat. Nagkumpulan ang mga tao sa gilid, tumabi siya sa kabilang gilid at pinagmasdan ang mga taong nasa itaas ng entablado, nagkukuwentuhan sila at hindi nila alam na pinagmamasdan na sila.


Ang unang hakbang ay alamin kung ano ang kanilang mga ginagawa: ano ang karaniwang sinasabi, ano ang karaniwang ginagawa, at saan ang mga lugar na pinupuntahan. Sa ilang taon niyang pagpitik ng gatilyo para sa mga kliyente sa Maynila noon, mas madali pa nga ang paggawa nito sa probinsya dahil mas kakaunti ang tao at mas maraming pagtataguan. Tinandaan niya ang kotse kung saan pumasok si Gobernador Abrantes, ilang letra’t numero lang naman nasa plaka ng kotse nito.


Pero simula lang ito sa mga malalaman niya. Isa itong palalim nang palalim na balon, bawat detalye ay sinasagot ng mga susunod pang detalye. Kapag sapat na ang lahat at parang paghinga na lang ang pagbasa sa mga galaw ng naka-petsang itutumba, isang pitik lang ng gatilyo at tapos ang trabaho.


Iba ang pinaplano niya para sa gobernador. Hindi na lang buhay ang dapat na ibayad, sa isip niya, dahil pasanpasan ng buong probinsya ang hukay na pinapalalim ng mga politikong nagtatayo ng kani-kanilang mga bundok. 


Alam niya sa sarili niya na hindi na matatanggal sa kaniya ang sundin ang kaniyang sarili para sa ikakabuti ng iba. Ipinipitik niya ang gatilyo sa mga taong alam niyang masama. Hindi kakayanin ng sikmura niyang makakita ng dugo ng isang taong wala namang kasalanan, at sinisigurado niyang tugma ang bawat detalyeng ibinibigay ng kaniyang kliyente sa makukuha niyang mga detalye sa sarili niyang pananaliksik.


Inabot ng buwan ang naging pagmamanman niya. Ang pinakamahalagang bagay na nalaman niya tungkol kay Gobernador Abrantes ay ang pagpunta nito sa Balatan, isang beses sa isang linggo. Hindi siya lumalapit para alamin kung anong pinupuntahan nito, kahit ang mga tao sa Balatan ay walang alam na pumupunta doon ang gobernador.


Mag-isa lang niyang minamaneho ang kaniyang kulay pulang Toyota Fortuner, ipinaparada niya ito sa isang liblib na isang bakanteng lote sa gitna ng bukid, katabi ng isang abandonadong bahay. Naglalakad pa ito papasok sa isang liblib na lugar pero hanggang doon lang umaabot ang pagmamatyag dahil kailangang bantayan kung ilang oras ang inilalagi nito doon bago bumalik sa kaniyang sasakyan. Dalawang oras at kalahati ang inaabot ni Gobernador Abrantes bago ulit siya magpapakita sa kaniyang kotse.


Ang sabi niya sa sarili, kinakailangan niya lang ng tamang tyempo para makalapit sa gobernador. Unang-una, dapat walang tao. Pangalawa, dapat ay walang magiging kahit anong marka. Pangatlo, kinakailangang hindi makagawa ng ingay ang gobernador. Pang-apat, dapat alam niya kung ano ang mga susunod na hakbang.


Ang Pangalawang Prinsipyo: Mayroong labas at mayroong loob. Ang loob ay iba sa labas at ang labas ay iba sa loob. Mahalagang tandaan ang linyang naghihiwalay sa dalawa.


Ang sabi ni Andrea sa sarili, malaki talaga ang impluwensya ng mga politiko sa mga tao sa atin, ano? Hindi nawawala ang pangalan nila sa bawat lugar at hindi rin nakakalimutan ng mga tao ang pangalan nila. Parang brand ng softdrinks, alam ng lahat ang lasa ng coke.


Tumatanda na lang ang mga taga-Camarines Sur nang hindi naibubuka ang kanilang bibig para tukuyin kung kailan ang tama na. Tinatanong niya ang kaniyang sarili habang hinihintay na bumalik si Gobernador Abrantes, ang huling balita ba palagi sa telebisyon at radyo ay tungkol sa mga Abrantes?


Nang makita niya ang Gobernador na naglalakad, gumagalaw sa kaniyang harap ang mga dapat niyang gawin, pagharap nito sa pinto ng kaniyang sasakayan ay dadakipin niya ito agad. Kung ang balita sa pagkamatay ng gobernador ang huling maingay na balita ng buong probinsya, matutuldukan na ba ang sumpa ng mga pangalan?


Katulad ng kaniyang iniisip, hawak niya ang walang malay na gobernador at buong lakas niyang pinasan ito sa kaniyang balikat. Magandang gabi, gobernador, ang bulong niya sa sarili.


Kabisado niya ang pasikot-sikot ng Balatan at alam niya kung nasaan ang mga tao. Dumaan siya sa mga pilapil, umiiwas siya sa kahit saang mayroong ilaw. Mahimbing ang tulog ng gobernador, hindi naman matapang ang inilagay niya sa basahan. Ibinaba niya ang gobernador, kinapa niya ang taling nakasuksok sa likod ng kaniyang shorts. Pagkatapos talian ang braso’t paa’y pinasan niya ulit ang gobernador.


Ang Pangatlong Prinsipyo: Maaring magtayo ng isang komunidad kung saan mayroong pagkaka-intindihan ang lahat at mayroong kakayahan ang bawat isa sa mga salik na bumubuo sa komunidad.


Hindi kinakailangang maging perpekto ang isang bagay, pero kinakailangan na palaging mayroong espasyo sa pag-unlad. Hindi madali ang bawat simula, at hindi rin madali ang bawat pagpapatuloy. Ang mahalaga, ayon na rin kay Andrea, ay pangalagaan ang isa’t isa.


Nang maalimpungatan ang gobernador, may nakapasak nang tela sa kaniyang bibig at ramdam niyang nangangalay ang kaniyang panga. Malabo ang imahe ng isang lalaking naglalakad sa kaniyang harap. Hilong tinitingnan ng gobernador ang naglalakad na tao sa harap niya. Makikita niya itong kumuha ng bangko, umupo ito sa harap niya na parang interogasyon na nakikita niya lang sa pelikula.


Kumusta ang idlip, gobernador? ang sabi ng matanda. Lumalabas ang ugat sa leeg ng gobernador habang pinipilit nitong sumigaw. Baka dumugo ‘yang lalamunan mo. Hinay-hinay lang sa paghingi ng tulong, dagdag pa ng matanda sa kaniya.


Pagkatapos ng ilang minuto, tumigil ang gobernador sa pagsigaw. O, tapos ka na? Puwede na akong magsalita? Tumango ang gobernador. Nagsindi ang matanda ng isang kandila, inilagay niya ito sa harap ng inuupuan ng gobernador. Pinatay niya ang ilaw at tsaka nagsimulang itong magpahayag.


Hindi ka naman pala mahirap sundan, Gob, ang panimula ng matanda, paulit-ulit lang naman ang ginagawa mong pagbisita sa Balatan, akala ko nga ay may ginagawa kang iligal doon. Pero mukhang hindi, sinong binibisita mo doon, Gob? Kabit? Anak sa labas? Ngumingisi-ngisi lang ang matanda. Pero hindi na mahalaga ang mga iyon. Ipagtatapat ko na sa ‘yo na ito na siguro ang huling gabi mo.


Namumula sa galit ang mga mata ng gobernador. Gusto nitong pagbantaan ang matanda, na kung sakaling makatakas ito ay libu-libong bala ang tatagos sa kaniyang katawan. Pero hindi niya masabi, kaya lumalabas ang kaniyang galit sa kaniyang mga mata.


Ano ang pakiramdam na ikaw naman ang na-agrabyado? Hindi ka makapagsalita, hindi ka makalaban, at wala kang ibang pwedeng gawin kung hindi panoorin at pakinggan ako.


May kinapa ang matanda sa bulsa ng suot nitong butas at maduming polo. Kung iniisip mo kung paano makatakas, hayaan mo at tatanggalin ko ang tali sa kamay at paa mo... hintayin mo lang.

Lumuhod ang matanda at akmang tatanggalin ang tali sa paa ng gobernador. Nakahanda siyang tadyakan ng gobernador pero ang nagawa niya lang ay sumigaw nang hiwain ng matanda ang magkabila niyang sakong.


Handa ka na bang tumakbo, Gob? Huwag muna.... Mamaya na... Magkukuwento muna ako tungkol sa akin. Para kahit papaano naman ay masabi nating nagkakilala tayo. Kilala kita, pero sigurado akong hindi mo ako kilala. Wala kang kasalanan sa akin, pero napakarami mong kasalanan sa ibang tao... sa buong probinsya. 


Pagkakatuwaan muna kita, huminga ka nang malalim at damhin mo ang bawat segundo dahil ito ang tampok na bahagi ng buhay mo. Bukas o sa makalawa, malalaman ng lahat ang mga nangyari at walang makakaalam na ako ang gumawa... o kung mayroon, handa naman ako sa mga mangyayari. Pero ang mangyayari ngayon ay malalaman mo pa lang. Ipikit mo ang mata mo kung gusto mo, iyan ang kalayaang ibibigay ko sa ‘yo.


Pumapatak na ang ihi sa pantalon ng gobernador. Nakita rin ng matanda na tumutula ang luha nito pababa sa pasa na niyang damit.


Iiyak mo lang iyan, ang sabi ng matanda, mahaba pa ang gabi.


#

manatiling updated

Ika-13 na Kabanata

Karaniwang gabi iyon para sa lahat,

               pero iba ang ilaw na nagmumula sa gasera ng matanda kapag tumatama ito sa mukha ng gobernador. Sumasayaw ang apoy, sumasabay sa mahinhing ihip ng hangin. Nakatingin lang ang matanda, nasa gitna siya ng paghihintay at pagkainip. Kumukuha lang siya ng tiyempo para gisingin ulit ang gobernador, nasa isip na niya ang mga susunod niyang gagawin. 


Nasa tagiliran niya ang kaniyang minasbad, nakahawak siya sa hawakang ulo nito at dinadama niya ang ginto nitong mga mata. Tinapik-tapik ng matanda ang pisngi ng gobernador, pinakiramdaman nito ang pulso nito sa leeg at nang masigurado niyang may kaunti pang pagtibok sa puso, sinampal niya ito nang dalawang beses. 


Nagsimula ulit na umiyak ang gobernador nang malaman nito na bumalik siya sa pagharap sa kaniyang bangungot. Lumaki ako sa Pili, sumasama ako noon kay Itay para pakinggan ang talumpati ni Sinfroso Abrantes. Sumusuporta ang Itay sa mga ginagawa ng inyong pamilya, nakaupo ako sa balikat niya kapag sumasama siya sa mga pagbabahay-bahay ng partidong kinabibilangan ni Sinfroso. 


Natatandaan ko pa ang mga pangyayari nang magkasakit ang Itay at naglakas ng loob ang Inay na kumatok sa malaking pintuan ng inyong mansyon sa hacienda ninyo... tinatanaw namin ni Inay kung mayroong tao sa loob. Ang sabi ko, Nay kilala ko sila, sila yung kausap ni Tatay noon. Kahit na ilang beses akong tumawag, walang sumasagot. 


Walang kumausap sa Inay at namatay ang Itay sa pag-asang isasalba siya ng pamilyang binigyan niya ng suporta. Maliit lang na tao ang Itay pero pakiramdam niya ay malaki siya kapag ipinagmamalaki niya ang mga proyektong ginagawa ni Sinfroso Abrantes at nanatili siyang maliit hanggang sa kamatayan, katulad ng maraming tao na araw-araw na umaasa na isang araw ay makakaranas rin ng kaunlaran ang probinsya.


Napansin ng matanda ang paglunok ng gobernador, mukhang nauuhaw ka? Saglit na nawala sa ilaw ng gasera ang anino ng matanda. Kahit bulaklak, hindi kami nakatanggap mula sa pamilya mo. Sintensya sa pamilya ang pagkamatay ni Itay, natatandaan ko pa nang nagpapalipat-lipat kami ng bus dahil walang maipambayad si Inay. Doon ko unang naranasan na may taong minura si Inay at mas marami pa akong narinig na mura mula sa ibang tao nang dumating kami sa Maynila. Hindi naging mabait ang Maynila sa amin, Gob.


Pagbalik ng matanda sa pagyakap ng ilaw ng gasera, hinila niya ang buhok ng gobernador at nabilaukan ang gobernador dahil sa nakapasak na tela sa kaniyang bibig. Walang paapaalam na ibinuhos ng matanda ang isang bote ng suka sa bibig ng gobernador. 


Pumasok ang suka sa kaniyang mata, sa kaniyang ilong, at tumulo sa kaniyang mga sugat, sa durugo niyang sakong. Namatay na ang Inay sa Maynila. Nagkaroon na rin ng kani-kaniyang pamilya ang mga kapatid ko. Nang bumalik ako dito, walang nagbago sa Camarines Sur. Marami sa mga kababata ko ang naikulong ang sarili sa espasyo na kanilang mga lupa, walang pag-unlad, walang pagbabago.


Itinulak ng matanda ang upuan, mukha ang sumalo sa buong katawan ng gobernador pagbagsak nito sa sahig. Hinawakan ulit ng matanda ang minasbad sa tagiliran nito, alam mo ba kung gaano katulis ang ginunting? Makakalaban ba ang tato mong tigre, gob? Kakagatin ba nito ang talas ng hawak kong minasbad?


Hinugot ng matanda ang minasbad, tumatama ang liwanag ng gasera sa makintab na talim ng sundang. Kinakausap ng matanda ang pinaniki sa hawakan ng minasbad, isang maikling orasyon para gabayan ang talas nito para tamaan ang bawat ugat na maghihiwalay sa balat at laman ng gobernador. Nang humalik ang tulis ng ginunting sa balat, pumipito na lang ang boses ng gobernador, lumalaki’t pumipintig ang ugat niya sa leeg. Mayroong tamang paghiwa ng balat, hindi ganoon kababaw na masisira ang tato at hindi rin ganoon kalalim na tatama sa laman. Parang binabalatang sibuyas ka lang, Gob.


Itinayo ng matanda ang upuan ng gobernador, nakahanda na ang kahong may asin na paglalagyan ng bagong tabas na balat. Humahagulgol ang gobernador na parang bata na inagawan ng laruan. Nagbubutil-butil na ang pawis sa mukha ng gobernador at hindi matukoy ng matanda kung dugo na ba ang lumalabas na luha at pawis mula sa mata’t katawan ng gobernador.


Malapit na ang pagsasara ng palabas, Gob. May oras ka pa para humingi ng tawad para sa mga butil ng kasalanan na minana, tinanim, at inani mo mula sa libo-libong ektarya ng probinsya.

Hawak-hawak ang isang martilyo, iniluhod nito ang kaliwa niyang binti at tiningnang mabuti ang mga paa ng gobernador. 


Sampung mga daliri, 

kamay at paa, 

patay ka na, 

patay ka na, 

saan ka pupunta?


Maliit mong daliri, 

Unang pupukpukin

dilang maliit nagsasabi,

dakila kang sinungaling!


Bawat daliri sa paa ng gobernador ang dinaanan ng maikling kanta ng matanda. Wala sa sampung daliri ang buo pa pagkatapos mabagsakan ng martilyo. Tinanggal ng matanda ang pagkakatali sa paa ng gobernador, tinulungan niya itong tumayo at inalalayan ito papalabas, iniupo niya ito sa bangko . 


Tinanggal niya rin ang nakabusal na tela sa bibig ng gobernador, naglagay siya ng isang maliit na papel: Ako ay lubos-lubos na nagpapasalamat sa kamatayan. Ako ay yumaman dahil pinili kong maging salot ng lipunan. Isa itong babala, huwag akong tutularan. – Gobernador Francisco Abrantes


Mayroon pang lakas ang gobernador, naramdaman niya ang lumakas na hihip ng hangin sa kaniyang mga pisngi, nawala na rin ang ilaw mula sa gasera na kaharap niya kanina. Naiwang mag-isa ang gobernador na nakatayo sa harap ng bahay ng matanda, walang kahit isang ilaw sa paligid maliban sa maliwanag na ilaw mula sa buwan. 


Sa pagitan ng namamagang mga mata ng gobernador, naaaninag niya ang daan. Natapalan ng pag-asa ang kirot ng katawan na kanina’y iniinda ng gobernador. Napansin niya rin na hindi na nakatali ang kaniyang mga paa.


Tumakas ka na, ang bulong mahinang boses, malapit na sila, tumakas ka na. Tumaas ang lahat ng balahibo sa katawan ng gobernador, tumayo siya sa pagkakahiga, pinakiramdaman niya ang lakas ng kaniyang tuhod at ang paglapat ng kaniyang mga paa sa lupa. Inihahakbang na niya ang kaniyang mga paa nang maramdaman niyang may malaking karayom na tumusok sa kaniyang likod. Umuugong sa hangin ang tunog ng latigo. Hindi na nag-isip ang gobernador at binilisan niya ang paglalakad.


Putang ina mo, putang ina ng pamilya mo, putang ina ng mga Abrantes!


Hindi natatapos na bangungot ang boses ng matanda para sa Gobernador. Ang mga hakbang niya ay pagpapalala sa pagtagas ng dugo mula sa mga dugo niyang daliri. Tumakbo ka lang! Tumakbo ka! Nasa dulo ang paghuhukom, nasa dulo ang pinaka-huli mong hininga!


Sinusundan ng matanda ang paglalakad ng gobernador sa madilim na palayan, pinapanood niya kung paanong pinapasan ng gobernador ang hindi nakikitang krus ng mga kasalanang dala-dala ng kaniyang apelyido. Papalayo nang palalayo ang gobernador sa kaniyang paglalakad ay ang paglapit naman ng kaniyang katawan sa dapat nitong nararamdaman. 


Ang hiwa sa sakong ng gobernador ang una nitong naramdaman, pabagal nang pabagal ang kaniyang paglalakad, lumalabas pa rin ang dugo sa mga basag niyang daliri sa paa, at nanlalamig ang kaniyang likod.


Nang makita ng gobernador ang unang ilaw sa malayo, hindi na niya naihakbang pa ang kaniyang mga paa. Bumagsak siya sa lupa, una ulit ang mukha at sakto sa mainit pang tae ng kalabaw. Nakaramdam rin ng awa ang matanda nang makita niya ang gobernador, sinigurado niya munang malinis ang makikitang bangkay, walang kahit isang ebidensyang magtuturo sa kaniya bilang salarin sa mga nangyari. 


Ang lahat ng ito, ang sabi ng matanda sa sarili, ay maging isang sikreto. Ako at ikaw lang Ginoong Francisco Abrantes ang makakaalam sa mga nangyari. Sana ay maging mahimbing ang tulog mo, paalam at nawa’y hindi na tayo muling magkita. Walang panalangin, kahit gaano lalalim, ang magsasalba sa kaluluwa mong tutupukin ng apoy sa kabilang buhay.


Naglaho na lang ang matanda sa gitna ng bukid. Pagbalik niya sa kaniyang bahay, pinatay niya ang naghihingalong apoy ng kaniyang gasera. Kailangan ko na namang pumunta sa sentro para bumili ng gaas. Tamang-tama, puwedeng makibalita.


#

manatiling updated

**********************************************************

Ika-14 na Kabanata

Nang magtagpo si Andrea at Kalayo,

               napahanga ng mga ideya ni Andrea ang matanda. Binanggit ng batang ito ang mga bagay na matagal na niyang gustong sabihin pero hindi niya mabuo sa kaniyang dila, mga hakbang na mayroong kahulugan at may patutunguhan. Bilang lumaki sa Maynila at makita kung paanong naging kumunoy ang tinutuntungan ng kaniyang mga paa, isang panibagong daan ang mga lilikhain ni Andrea. 


Mayroong malaki at maliit na komunidad, ang sabi nito sa kaniya, ang matanda lipunan at batang lipunan. Isang hakbang-hakbang na proseso ang pangangalaga sa batang lipunan, at magsisimula ito sa isang layunin: ang makabuo ng isang komunidad kung saan makapagsasalita ang lahat at makapag-aambag ang lahat batay sa kanilang kakayahan. Walang mataas at mababa, walang mamumuno pero may mga gabay na prinsipyong panghahawakan ng lahat ng bahagi ng komunidad na ito.


Katulad ng maraming taga-Camarines Sur, galit na dagat ang hinarap nilang dalawa sa pagtatangkang simula ng pinaplanong komunidad ni Andrea. Pero hindi naging mahirap para sa kanila na magparami ng mga taong magiging bahagi ng kanilang maliit na pamayanan. Hindi nawawala ang mga taong nawawalan ng masisilungan sa gabi, mapaghahainan ng pagkain, at mga taong naghahanap kung ano ba ang isang pamilya. Iyon ang iniharap ni Andrea para sa kanila, isang pamayanan na bukas sa lahat ng gustong maging bahagi at hindi nagtatanim ng sama ng loob sa mga gustong umalis.


Kaya namangha si Santiago nang bisitahin niya si Kalayo sa kaniyang bahay, araw iyon ng pagpupulong ng pamayaman para pag-usapan ang mga bagong bagay na nangyayari sa kanilang lugar. Dinadaluhan ito pati ng mga bata, na malayang tumatakbo habang isinasagawa ang pagpupulong.


“Mahalaga para sa amin na magkaroon ng pagkakataon ang lahat na makapagsalita at mapakinggan. Pati ang mga bata ay tinatanong namin kung ano ang tingin nila doon.” ang sabi ni Kalayo habang naglalakad silang dalawa ni Santiago paakyat ng burol, “Napansin namin noong nagsisimula kami na marami ang pumipili na sumunod na lang. Kaya naging polisiya na kinakailangang makapagsalita ng mga bata, na maliban sa pagpapakita ng kakayahan nila sa mga matatanda ay binibigyan rin namin ang mga bata ng espasyo para mag-isip para sa kanilang sarili at magsalita sa mga bagay na makakaapekto sa kanila.”


Narinig ni Santiago ang isang pamilyar na tunog ng mga batang naglalaro, iyon rin ang narinig niya noong huli niyang bisitahin si Kalayo. “Ipapakilala kita kay Andrea,” ang sabi ni Kalayo, napansin ni Santiago ang isang parihabang kubo na mayroong apat na bintanang itinataas ng maliit na kawayan, “Nasa likod siya, nagtatanim.”


Pagdating nilang dalawa, nakaupo ang isang maliit na babaeng nagtatanim, nakasuot ito ng pulang kamiso tsino, naka-shorts na khaki, at nakasuot ng sandalas na itim. "Andrea," ang banggit ni Kalayo, "si Santiago pala, 'yung nabanggit ko sa 'yo noong isang araw."


Iniabot nito ang kaniyang kamay, nakatingin siyang diretso sa mata ng mamamahayag, na natulala dahil hindi iba sa nasa isip niya ang Andrea na binabanggit ni Kalayo sa kaniya noon. Nang hawakan niya ang kamay ni Andrea, nagtagpo ang mga linya nila sa kamay at nadama niya ang gaspang ng balat nito, mga alaala ng bagay na ginawa at ginagawa niya. "Tapusin ko lang ito, pasok na kayo. May mga tao na sa loob." ang sabi ni Andrea. Pagpasok namin ni Kalayo, mayroong mesa na bilog, sa paligid ay mayroong mga upuan. 


Okupado na ang karamihan sa mga upuan, may ilan na lang sa likod at may ilan sa mismong mesa. Niyaya ni Kalayo ang mamamahayag na umupo sa tabi niya sa mesa, pero hindi ito tinanggap ng mamamahayag, "Sa likod na lang ako, nakakahiya naman." Kahit na sabihin ni Kalayo na huwag dapat siyang mahiya dahil wala namang kahulugan ang pag-upo sa mesa at pag-upo sa ibang upuan.


Nakatingin si Santiago kay Andrea habang nangyayari ang pagpupulong. Nakikinig lang ito sa mga sinasabi ng kaniyang mga kasama sa komunidad. Siya ba ang Andrea na sinasabi ni Kalayo na namumuno sa pamayanan nila? Ito ba ang Andrea na sinasabi ni Kalayo na nagsusulat rin? Bakit hindi siya nagsasalita habang may pagpupulong?


Ang napansin ng mamamahayag, walang sinusundang istruktura ang kanilang pagpupulong. Nagbabanggit ang bawat tao ng kani-kanilang mga ginagawa at mga gagawin pa nila sa mga susunod na mga araw. Nang dumating sa mamamahayag ang oras para makapagsalita, hindi na siya naka-hindi nang lahat ng tao ay naghihintay na may sabihin siya.


"Ako si Santiago Malanyaon, isang mamamahayag at isang bisita sa pagpupulong ninyo ngayon. Inimbitahan ako ni Kalayo na makibahagi sa inyo at para makilala si Andrea. Malugod ako na makasama sa inyo ngayon at nakakatuwa na mayroon palang ganitong pamayanan dito sa atin."

Napansin ni Santiago sa mga mata ng mga nakikinig sa kaniya ang pagtanggap. Walang matutulis na tingin, ang dalisay ng emosyon ay naramdaman niya nang tapusin niya ang kaniyang pagsasalita.


Pagkatapos ng naging pagpupulong, nabigyan ng pagkakataon ang mamamahayag na maka-usap si Andrea. "Lahat ng tao dito, may kani-kaniyang mga trabaho sa loob at labas. Mayroon kaming guro, mayroon kaming medtech, mayroong marunong sa electronics, may mga mahilig magtanim. May nananatili, may umaalis, may nawawala, may sumusulpot." isang plantsadong pangungusap ang pagsasalita ni Andrea habang ipinapaliwanag niya kung ano ang pamayanan, "Isa itong eksperimento. Hangga't maaari, walang humahawak ng sentral na kapangyarihan sa amin. Kahit sabihin ni Kalayo na ako ang nangunguna sa pamayanan, palagi kong ipinapaalala sa kanila na wala sa kamay ko ang pagiging matagumpay ng pamayanan, nasa aming lahat. Dahil ang bawat aksyon ay mas magiging makabuluhan kung likas na nangagaling sa tao at hindi nangagaling sa dikta ng iba. Hindi perpekto ang pamayanan, sumakto ka lang sa isang pulong na walang naglalabas ng hinaing nila sa iba, o mga bagay na hindi nila nagawa. Kasama iyon sa isang pamayanan, ang magkaroon ng tunggalian dahil kinikilala namin at palagi kong pinapapaalala na magkakaiba kami ng hinahawakang pag-unawa. Sabi nga ng mga bata: Ganito kami sa pamayanan, palaging damayan, walang pilitan!"


Nang mabanggit ni Santiago ang pagsusulat ni Andrea, nabanggit nito na mayroon na siyang burador at nakagawa na rin sila ng pisikal na kopya pero hindi pa iyon tapos dahil may ilan pang pagbabago ang gagawin niya. Nabanggit ni Andrea na nakapagpadala siya ng isang kopya ng libro sa isang propesor sa Maynila kung saan siya nag-aaral noon.


“Ilang taon ka na pala?” ang tanong ni Santiago, may pagkamangha sa kaniyang tono at hiwagang hinihintay mula sa magiging sagot ni Andrea. “Bente kuwatro, bente uno ako nang makabalik ako dito sa Camarines Sur. Magtatatlong taon na pala itong pamayanan, kuya Kalayo ano?” tumango-tango lang ang matanda habang nakikinig sa panayam ng mamamahayag kay Andrea.


“Ano naman ang mga dahilan kung bakit nabuo mo ang pamayanan?” ang sunod na tanong ng mamamahayag, “Matagal ko nang iniisip ang pamayanan, noong nag-aaral pa ako sa UP nilalakbay ko na ang mga hakbang na dapat gawin, ano ang mga bagong puwedeng subukan at ano ang mga lumang naging matagumpay. Binubuo ng pamayanan ang sarili nito, hindi ito kailangang buuin mula sa isip ng isa o ilang tao. Isang buhay na organismo ang pamayanan at mamamatay ito kapag sinubukang lagyan ng rehas ang kahit anong salik na bumubuo sa mahikang nakataklob sa lugar. Siguro ang pinaka-mahalagang aral na natutunan ko sa ngayon, naghahangad palagi ang tao na makagawa ng kabutihan at kinakailangan ng tamang espasyo para magawa ang kabutihang iyon na ang makakatanggap ng ganansya ay ang pamayanan nang hindi nakakasira sa iba. Kung makakabalik ka dito, pupwede siguro kitang bigyan ng ilang bahagi ng libro.”


Nagpaalam na si Andrea, babalik na daw siya sa kaniyang ginagawa. Inulit niya lang sa mamamahayag na maaari siyang bumalik sa pamayanan kung kailangan siya pupwede. Niyaya ni Kalayo ang mamamahayag na magkape muna sa kaniyang bahay, hindi nakatanggi ang mamamahayag kay Kalayo.


“Bakit pala bahay mo ang pinakamalayo sa pamayanan?” ang tanong ni Santiago kay Kalayo habang naglalakad sila pababa. “Nakatayo na ang bahay ko dito noon pa, bago pa dumating si Andrea. Ang sabi ko kay Andrea noon, hindi ko na kailangang umakyat dahil marami rin akong gamit dito, nakita mo naman kung gaano kadami ang prosesong dinadaanan ng minasbad.”

Nang dumating sila sa bahay ni Kalayo, bumigat ang hihip ng hangin, “Hindi ko pala natanong kay Andrea kanina kung bakit wala kayong kuryente.” sambit ni Santiago. “Hindi naman kailangan dahil malamig at maliwanag naman sa gabi. Kapag nagpakabit rin ng kuryente, hindi na magiging sikreto ang pamayanan at mawawala ang kakaiba sa lugar.”


Pero alam ni Santiago na mayroon pang dahilan, at katulad noong huli niyang pagbisita kay Kalayo, nagpatong-patong na naman ang mga tanong.


#

manatiling updated

Ika-15 na Kabanata

Nakaka-ilang postponement na ang municipal trial court ng Calabanga,

               ... at inasahan niyang hindi na naman matutuloy ang kaniyang hearing. Pero sa araw na ito, dumating ang hukom at hindi siya handa sa mga mangyayari: Pinapakinggan niya ang testamento ng mga taong ngayon niya lang nakita, ang naratibo ng kaniyang kwento na malayo sa mga nangyari, at ang pagtatahi nila sa gawa-gawang kuwento para maisakatuparan ang napagkasunduan niya at ng matandang Abrantes.


Mag-isa siyang nakaupo sa harap ng hukom, ng husgado. Nakahubad siyang dinadaanan ng mga salita, ng mga pangyayari. At ang iniisip niya lang sa mga minutong dumadaan ay ang kaniyang pamilya na naiwan sa bukid. Ang anak niya na katulad ng mga naging testigo ay mayroong ibang tingin sa kaniya. Lumulutang sa kaniyang paligid ang mga pamilyar na mata, at kasabay ng pagbababa ng sintensya ng hukom ay ang paghatol ng kaniyang mga kakilala.


Itinitikom na lang niya ang kaniyang bibig, binubuhat niya ang mabigat niyang balikat, at hinahayaan ang kaniyang sarili na maging kalmado sa mga nangyayari. Para sa kaniya, papalapit na ang pagtupad sa pangako ng mga Abrantes: mababayaran na ng kaniyang pamilya ang nakasanla nilang bukid, masusuntentuhan na ang pag-aaral ng kaniyang anak, at sa wakas ay magiging maalwan ang kanilang buhay, kahit na hindi siya kasama, kahit papaano ay alam niyang magiging mas madali para sa kanila ang mabuhay.


Inasahan na niya ang magiging hatol: guilty. Hindi katulad ng mga hinatulan ng araw na iyon, nanatiling blangko ang emosyon ng magsasaka, nakatulala pero nakabukas ang tenga. Ang hinihiling na lang niya ay mabigyan ng pagkakataong magkausap sila ng kahit sino sa mga Abrantes.


Nang matapos ang hearing, dinala na ulit siya pabalik sa Naga City District Jail; ang sabi sa kaniya ng kasama niyang jail officer, ipoproseso na agad ang kaniyang mga papeles para mailipat na sa BuCor ang pangangalaga sa kaniya.


Saan po kaya ang dadalhin? ang tanong ng magsasaka, nasa isip niya ang kaniyang pamilya at ang kapanatagan ng kaniyang sarili dahil kahit nakakulong siya ngayon ay malapit siya sa kaniyang pamilya. Depende sa mangyayari, suwerte ka kung mapunta ka sa Tinangis. Pero baka mapunta ka sa Iwahig o sa Bilibid. Hindi na pinalawig ng magsasaka kung nasaan ang Iwahig pero alam niya kung saan ang bilibid at alam niyang malayo ang mga lugar na iyon.


Alam ng lahat ang kaso niya at katulad ng sabi ng kaniyang mga kasamahan niya, malabo na mapawalang sala ang magsasaka kung ang nasa kabilang panig ay ang pamilya Abrantes. Ang nasa isip na lang ng magsasaka ay hindi nila alam ang mga nangyari at ang mga mangyayari. Ang alam lang nila, katulad ng marami sa mga taga-Camarines Sur, ay pinaslang niya si Gobernador Abrantes at sinubukan niya itong pagtakpan nang iniharap niya ang sarili niya bilang ang unang nakakita sa bangkay ng gobernador.


Nagtataka ang mga kasamahan niya, pati na ang mga may kaalaman sa mga batas at proseso ng kaso, na napakabilis ng naging hearing ng kaniyang kaso. Marami sa kanila sa loob ang buwan at taon bago matuloy ang pagdinig sa kaso dahil hindi natatapos ang mga reschedule ng hearing. Kahit na dinaanan iyon ng magsasaka, bilang ng mga daliri sa kamay ang bilang ng pagkansela sa kaniyang mga hearing. 


Mayroong pagmamadali ang korte na matapos ang kaniyang kaso, napansin rin iyon ng mga jail officer sa loob at wala silang sinabi kung hindi ganoon talaga. Mabilis na naproseso ang kaniyang mga papeles, naibulong na rin sa magsasaka na ipapadala siya sa Bilibid para doon na manatili para sa sintensyang reclusion perpetua. 


Hindi ang pagkakakulong ang pinakamahirap sa mga mangyayari, ang malayo sa kaniyang pamilya ang pinakamatimbang sa lahat. Hinahatulan na rin niya ang kaniyang sarili, naisasabuhay na niya ang tauhang inihulma ng mga Abrantes para sa kaniya at ang palakpak na gusto niyang matanggal kapag bumukas na ang lahat ng ilaw ng entablado at sumara na ang kurtina ay ang pagsalubong ng kaniyang pamilya.


Tumatangis siya sa huling araw niya sa Naga City District Jail. Nakahanda na siyang ibiyahe papunta sa Bilibid, inihahanda niya na rin ang sarili sa panibagong mundong haharap sa kaniya pagdating niya doon. Hindi dumating ang kahit sinong Abrantes para kausapin siya, pati ang kaniyang abogado ay hindi na siya nakausap pagkatapos siyang hatulan. 


Naiwan siyang mag-isa, at aalis siyang mag-isa. Kahit sa pamilya niya ay hindi siya nabigyan ng pagkakataong makapagpaalam. Hindi nila alam ang mga nangyari sa kaniyang kaso, hindi nila alam na nahatulan na siya ng habambuhay na pagkakakulong. Siguro, kung magkataong nagbabasa sila ng balita o nakikinig ng radyo, maririnig nila na nahatulan na ang kanilang padre de pamilya.


Inabisuhan siya ng isa sa mga jail officer na malapit na silang umalis. Ginamit niya ang natitirang oras niya sa Bicol para magsulat ng liham at magpasalamat sa mga nakasama niya sa loob. Malaki ang naging tulong nila para mayakap ng magsasaka ang buhay sa loob. Mas mapagkalinga pa nga ang mga kasamahan niyang PDL kaysa sa mga taong nasa labas.


Ang sabi ng isa sa mga kasamahan niya, lahat naman tayo dito ay biktima ng pagkakataon. Minalas tayo sa buhay na ito at kung sakaling makalaya tayo sa hinaharap, hindi na tayo magiging biktima dahil alam na natin kung paano ang magtagumpay, ang magbagong buhay. Kahit alam ng magsasaka na hindi para sa kaniya iyon, at iba ang kaniyang sitwasyon sa sitwasyon ng mga kasamahan niya, biktima pa rin siya ng pagkakataon, dahil nagkataong malapit sa kaniyang bahay ang bangkay, at nagkataon rin na ginamit siya ng mga Abrantes para lumusot, mapanatili ang imahe, at para mailiko ang dapat sanang paglalahad ng mga pangyayari.


Bago siya sumakay sa mobile ng jail, ipinakiusap niya sa warden ang isinulat niyang liham. Kung hahanapin ako ng asawa o anak ko, pakibigay ang sulat na ito sa kanila. Kahit na gusto ko silang tawagan ser, walang signal kung saan kami nakatira. Nakailang tanong na rin ako sa inyo kung pupwede ko ba silang bisitahin at nirerespeto ko ang bawat pagsasabi ninyo ng hindi. Maraming salamat sa inyo, ser, dahil iningatan ninyo ako dito kahit parang lahat ng tao ay galit sa akin. 


Malungkot akong aalis, dahil maliban sa pamilya ay sigurado akong hindi na ako makakahanap ng mga jail official katulad ninyo na iniingatan talaga ang mga katulad namin. Maraming salamat po ser.


Inihihiwalay ng magsasaka ang kaniyang sarili habang papalayo siya nang papalayo sa Bicol. Ang sariling iiwan niya ay ang kaniyang totoong sarili, at ang sarili niyang makakarating sa Bilibid ay iba.


Dahil alam niya na iba ang Maynila, iba ang mga tao at iba rin ang wika. Pagdating niya nga sa Muntinlupa, parang nakalimutan rin niya kung paano magsalita ang matandang Abrantes.


#

manatiling updated
image302

Tungkol sa awtor

Sampung taon tumira si Victoria Garcia sa Maynila. Isang taon na siyang nakatira ngayon sa Caramoan. 


Ipinanganak at lumaki siya sa Partido, Camarines Sur kung saan niya nakita ang realidad ng kaniyang probinsya. Mula pagkabata, naipit na siya sa pagitan ng nagbabanggang politika sa paligid.


Ito ang una niyang nobela. 

TRIBUNA

Sorsogon, Sorsogon, Bicol, Philippines

0915 826 7135

Karampatang Ari © 2020 TRIBUNA


Magpadala ng email sa tribunaph@gmail.com

Gumagamit ng cookies ang website na ito.

Gumagamit kami ng cookies upang pag-aralan ang trapiko ng website at i-optimize ang iyong karanasan sa website. 

Tanggapin