LOKAL NA TRANSMISYON NG COVID-19 SA PROBINSYA, PINAG-AARALAN PA
J. F. Laura | 31 Oktubre 2020
Nasa 85 porsyento lamang ang accuracy ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test. Ibig sabihin, mayroong 15 porsyentong maaaring false positive o false negative, paliwanag ni Gob. Francis Escudero noong ika-29 ng Oktubre sa isang press briefing. Mula sa halos dalawang libong isinailalim sa RT-PCR test ng probinsyal na gobyerno, mayroong halos 300 na maaaring mali ang resulta.
Sa random sampling—isang metodo ng pag-aaral sa estadistika, na ginawa ng probinsyal na gobyerno—may mga nagkaroon ng kontak sa mga indibidwal na sumailalim sa RT-PCR test; na maaaring kabilang sa 15 porsyentong false positive o false negative.
"Hindi na ito kayang [isailalim sa] contact tracing,” pahayag ni Gob. Escudero, dahil negatibo ang resulta ng kanyang test at maaaring kung saan-saan na tumungo, nakasalamuha ng ibang tao.
Halos pare-pareho na ang klasipikasyon ng mga kaso ng COVID-19 sa probinsya, ayon kay Dr. Bolo, hepe ng Provincial Health Office ayon sa nasabing press briefing: 25 porsyento ay lokal na transmisyon, 24 porsyento ay direct contact, 25 porsyento ay locally stranded individuals, 25 porsyento ay healthworkers, habang 1 porsyento ang Overseas Filipino Workers.
Gayunman, naiulat ng Tribuna ang diskusyon ng Sangguniang Panlalawigan hinggil sa posibleng pagsisimula ng lokal na transmisyon sa probinsya.
[Basahin ang ulat sa: https://bit.ly/2HMOXdh]
Biglaang umakyat ang kaso ng COVID-19 sa probinsya mula Agosto 2020 hanggang kasalukuyan dahil ito sa seryoso, tapat at mahusay na contact tracing at maramihang testing na ginagawa ng probinsya, paliwanag ng gobernador.
Tumaas nang tumaas ang isinasailalim ng probinsya sa RT-PCR test. Mula sa siyam na test noong Marso, umakyat ito tungong 947 noong Agosto, 730 noong Setyembre, at 1,041 noong Oktubre. Wala ring backlog sa paglalabas ng resulta ng mga test, ani gobernador.
###
PANIBAGONG PANUKALA PARA SA HOME QUARANTINE, ILALABAS NG PROBINSYA
J.F. Laura
Nasasaid na ang pondo ng mga lokal na gobyerno (LGU) sa probinsya ng Sorsogon para i-maintain ang mga pasilidad nito sa pagpapatupad ng mandatory quarantine sa probinsya, paliwanag ni Gob. Francis Escudero noong ika-29 ng Oktubre sa isang press briefing. Sa tantya ng gobernador batay sa 100 pisong gastos bawat indibidwal, halos 200 libong piso bawat araw ang ginagastos ng mga LGU; 1.4 milyong piso ito bawat linggo, sa kasalukuyang dalawang libong naka-quarantine.
Upang makatipid sa pondo ang mga LGU, ipapatupad ng probinsyal ng gobyerno ang opsyon na home quarantine. Ipinaliwanag ng gobernador na ang nagpositibong indibidwal sa COVID-19 ay maaaring manatili sa kanyang bahay ngunit kailangang lumipat muna ng matitirhan ang mga kasama nito sa tahanan. Gayundin, mas madaling magagampanan ng Barangay Health Emergency Response Team ang kanilang tungkulin.
Halaw sa karanasan ng munisipyo ng Bulusan ang pagpapatupad ng home quarantine, ani gobernador. Gayunman, naiulat ng Tribuna na isa ang Bulusan sa mga unang nagkaroon ng lokal na transmisyon ng COVID-19 o iyong mga nagkahawaan at nagkasakit sa isang komunidad nang walang travel history. Ipalalabas ang guidelines ng home quarantine sa mga susunod na araw.
Samantala, wala na muling pondong dumarating sa probinsya mula sa pambansang gobyerno. “One time, big time [lamang ang bayanihan grant],” pahayag ng gobernador. Aniya, ganito nagbigay ng pondo sa probinsyal na LGU katumbas ang kalahating Internal Revenue Allotment (IRA) habang katumbas ng isang buwan na IRA ang ipinamahagi sa mga munisipyo at syudad noong Abril 2020.
Gayundin, sa bilyong pondo na inilaan sa Bayanihan 1, isang libong personal protective equipment pa lamang ang natatanggap ng probinsyal na gobyerno mula sa isang milyong bibilhin ng pambansang gobyerno. “Wala pang laman ang bodega,” ang tanging sagot sa sulat ng gobernador sa Department of Health noong nakaraang buwan. “Napakatagal ng procurement process nila,” dagdag niya.
Hindi parin nararamdaman sa probinsya ang plano ng pambansang gobyerno na magdagdag ng contact tracers, wala pa ring ulat ang Chamber of Commerce ng Sorsogon kung nakatanggap na mula sa pambansang gobyerno ang mga naluluging negosyo; at naiuulat din na wala pang natatanggap na ayuda ang kalakhan ng sektor ng agrikultura sa probinsya.
Gayunman, sapat pa ang nakalaang alcohol at mask ng probinsya. Magdodonate rin ito ng pondo sa Occidental Mindoro, aniya.
Karampatang Ari © 2020 TRIBUNA
Magpadala ng email sa tribunaph@gmail.com
Gumagamit kami ng cookies upang pag-aralan ang trapiko ng website at i-optimize ang iyong karanasan sa website.