LIKAS NA SULIRANIN
20 Nobyembre 2020
Halos isa o dalawang araw lamang matapos ang deklarasyon ng mga ekonomista ng kasalukuyang administrasyon na “tapos na ang pinakamalalang estado ng bansa”, humambalos ang bagyong Ulysses. Nagtuluy-tuloy ang pagwasak nito sa bawat dinaanang probinsya’t rehiyon—naulit at malala pa ang mga imahe ng lumulutang na mga bangkay, alagang hayop, ari-arian.
Nasa halos 6 milyong katao ang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at halos 344 libong bahay ang mga nasira. Nasa 35 bilyong piso naman ang danyos sa agrikultura at imprastruktura sa buong bansa, batay sa pinagsamang mga danyos ng mga nagdaang bagyo mula Quinta hanggang Ulysses ayon sa mga ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa Asya, ikatlo ang Pilipinas sa pinakabulnerableng bansa mula sa iba’t ibang sakuna batay sa mortalidad at pang-ekonomiyang risk, ayon sa Asian Development Bank noong 2013.
Madaling matukoy ang mga dahilan nito– walang limitasyong pagsira sa kalikasan, maling pagpaplano ng polisiya, at maka-dayuhang karakter ng industriya ng forestry.
Patuloy na nauubos ang forest cover ng bansa na nagsisilbing panangga sa bagyo bukod pa sa iba nitong nagagawa. Sa kabuuang 30 milyong ektarya (Mha) na lawak ng buong bansa, nasa 7.01 Mha na lamang ang forest cover nito noong 2015p—23 porsyento ng kabuuang lawak.
Ngunit mula 1988, pinakamataas na naitalang forest cover ay halos 7.2 Mha o 24 porsyento mula 2004 hanggang 2010, ibig sabihin nasa halos 190 libong ektarya ng forest cover ang nawala mula 2010 hanggang 2015. Nasa 26 porsyento ang deforestation rate ng bansa sa loob ng 20 taon mula 2020, ayon pa sa Treehugger, isang think tank.
Gayundin, hindi makasabay ang programa sa reforestation ng gobyerno. Mula 1999 hanggang 2019, nasa 112 libong ektarya lamang ang natataniman muli bawat taon. Ngunit, hindi nito naipapakita ang muling pagyabong ng forest covers dahil pang-komersyo ang layon ng muling pagtatanim dito sa diwa ng Integrated Forest Management Agreement ayon sa pag-aaral noong 2015 ng IBON Foundation, isang think tank.
Mula dito, kailangang mahigpit na isailalim sa regulasyon ang produksyon ng troso batay sa, pangunahin, sa pangangailangan ng bansa kalakip ng malawakang programa sa reforestation na hindi nakatuon sa komersyo.
Gayunman, hindi pa natatapos ang nagdurusang sitwasyon sa bayan. Tinatayang apat pa ang maaaring humambalos na mga bagyo, kasabay ng pandemya ng COVID-19, lumalalang krisis sa ekonomya, at krisis sa politika, tulad ng nakita ng National Economic and Development Authority sa ulat nila noong Marso 2020.
Nagpapatuloy ang naratibo ng pagbangon sa papalakas na kolektibong tulungan ng bayan para muling umahon at umunlad.
Mga pangunahing sanggunian:
Jha, S., Martinez A., et. al, March 2018, Natural Disasters, Public Spending, and Creative Destruction: A Case Study of the Philippines, ADBI Working Paper Series No. 817, Asian Development Bank Institute
World Bank, Natural Disaster Risk Management in the Philippines: Enhancing Poverty Alleviation Through Disaster Reduction, No. 33822, The World Bank East Asia and Pacific Region Rural Development, NDCC-RP
Karampatang Ari © 2020 TRIBUNA
Magpadala ng email sa tribunaph@gmail.com
Gumagamit kami ng cookies upang pag-aralan ang trapiko ng website at i-optimize ang iyong karanasan sa website.