13 Nobyembre 2020
Nagdiriwang ang mamamayan ng daigdig sa magiting na pagtindig ng mga Amerikano laban sa muling pagkahalal ni Donald Trump bilang president ng Estados Unidos (US).
Uupo si Joe Biden bilang presidente ng US sa Enero 2021, ngunit kailangang maintindihan ni Biden ang mga dahilan ng kanyang pagkakahalal– bigong mga polisiya, elitismo, racism, militarismo, pagkapanatiko, misogyny ni Trump bilang pangulo.
Ang mamamayang Amerikano at ng daigdig ang nagdurusa dahil sa mga polisiya at aksyon ni Trump bilang pangulo ng US at lider ng tinatayang pinaka-makapangyarihang bansa sa buong mundo. Kaya nang tumindig ang mamamayang Amerikano mula sa isyu ng school shootings hanggang sa pagtindi ng karahasang dulot ng racism, umabot sa at sinuportahan ito ng buong daigdig.
Patuloy na nabubuo ang malawak na hanay ng mamamayang Amerikano at ng daigdig kagaya noong dekada 70. Isa sila sa mapagpasyang pwersa sa nagbabagong sitwasyong pang-ekonomya, politika, at relasyon ng mga bansa.
Gayunman, tinitingnang babaliktarin ni Joe Biden ang mga polisiya ni Trump– babalik ito sa Paris climate agreement, uupong muli bilang miyembro at pinakamalaking taga-pondo ng World Health Organization, haharapin ang pandemya ng COVID-19, tatalikod mula sa pagbabanta sa mga alyadong bansa tulad ng nangyari sa isang pulong ng Group of 7, at pagpapalakas ng relasyon sa buong Asya, konsolidasyon ng mga alyado. Sa madaling salita, “make America great again,”—mga salita ni Trump laban sa kanya.
Ang US ang pinakamakapangyarihang bansa sa buong daigdig, ayon sa Asia Power Index ng Lowy Institute. Ngunit nakaharap ito sa matinding pagbabagong sosyo-politika ng buong daigdig.
Bumaba ng 2.9 ang kabuuang score ng US sa Asia Power Index mula 84.5 noong 2019 tungong 81.6 ngayong 2020. Samantala, patuloy na lumalakas ang bansang Tsina, batay sa tantya ng Asia Power Index, mula 75.9 noong 2019 tungong 76.1 ngayong 2020.
Bagsak rin ang ekonomya ng US habang nasa rekoberi na ang ekonomiya ng Tsina; kasabay nito ang pagpapahusay ng diplomasya ng Tsina sa pamamagitan ng pagbubuo ng sarili nitong trade bloc tulad ng Regional Comprehensive Economic Partnership, at panghihimasok sa trade bloc ng US tulad ng Association of Southeast Asian Nations. Nariyan din ang paparaming pondong militar ng Tsina kalakip ng pagpapalawak ng mga base militar nito sa buong daigdig tulad ng sa Timog Silangang Asya.
Tinitingnang huhupa ang imposisyon ng mga taripa sa mga produktong export ng Tsina sa US o trade war, gayunman, hindi titigil ang paparaming free trade agreements ng Tsina at ang pagbabawi ng trade bloc ng US laban sa nauna.
Sa pinakahuling pagsusuri, kailangan ng US na pigilin ang tuluy-tuloy na pagbabago ng balanse ng pwersa sa daigdig– kailangan niya itong ibalik sa mga panahong ito ang tanging pinakamalakas, partikular noong dekada 90 hanggang 2008. Ito ay mula nang bumagsak ang pinaagnas na kapangyarihang Soviet hanggang noong 2008 nang pumutok ang Global Financial Crisis, matapos ang 1997 Asian Financial Crisis at ang Dot Com crisis noong 2000.
Alam nitong pinabibilis ng Tsina ang pagpapalawak at konsolidasyon ng kanyang pwersa upang tuluyang labanan nito ang dakilang pwersa ng US.
Nakaharap sa maraming negosasyon at kompromiso ang pagiging pangulo ni Biden dahil sa resulta ng mga polisiya at aksyon ni Trump sa daigdig, partikular sa konsolidasyon ng mga kliyenteng estado nito tulad ang Pilipinas.
Nasa makabagong Cold War ang daigdig dahil sa paghahabulan at labanan ng mga makapangyarihang bansa ngunit wala itong dulot na kabutihan sa mamamayan ng daigdig, lalung-lalo na sa mga bansang tulad ng Pilipinas.
Karampatang Ari © 2020 TRIBUNA
Magpadala ng email sa tribunaph@gmail.com
Gumagamit kami ng cookies upang pag-aralan ang trapiko ng website at i-optimize ang iyong karanasan sa website.